Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Katulad ng daan-daang milyong ibang mga sumusunod sa Panginoong Jesucristo, tayo ay sumusunod sa mga batas at utos ng Biblia, tinatamasa ang masaganang biyaya ng Panginoong Jesucristo, nagsasama-sama, nananalangin, nagpupuri, at naglilingkod sa ngalan ng Panginoong Jesucristo-at lahat ng ito ay ating ginagawa sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Panginoon. Tayo ay madalas na mahina, at tayo rin madalas ay malakas. Tayo ay naniniwala na ang lahat ng ating kilos ay alinsunod sa mga aral ng Panginoon. Hindi na kailangang sabihin, kung gayon, na tayo rin sa ating mga sarili ay naniniwalang lumalakad sa landas ng paggawa ng kalooban ng Ama sa langit. Nananabik tayo sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, sa maluwalhati Niyang pagbaba, sa pagtatapos ng ating buhay dito sa lupa, sa pagpapakita ng kaharian, at sa lahat na gaya ng inihula sa Aklat ng Pahayag: Ang Panginoon ay dumarating, at may dalang sakuna, ginagantimpalaan Niya ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama, kinukuha ang lahat ng sumusunod sa Kanya at malugod na tinatanggap ang Kanyang pagbalik upang Siya ay salubungin sa himpapawid. Tuwing ito'y ating naiisip, hindi natin mapipigilang manaig ang ating damdamin at mapuno ng pagpapasalamat na tayo ay isinilang sa mga huling araw, at mapalad na masaksihan ang pagdating ng Panginoon. Bagaman tayo ay nakakaranas ng pag-uusig, nakukuha naman natin bilang kapalit ang "lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan." Kay laking pagpapala! Ang lahat ng pananabik na ito at ang biyaya na ipinagkaloob ng Panginoon ay nagpapanatili sa atin sa mahinahong panalangin, at tayo ay pinagsasama-sama nang masigasig. Maaaring sa susunod na taon, maaaring bukas, at muli, maaaring sa loob ng panahong mas maikli kaysa sa maiisip ng tao, ang Panginoon ay biglaang bababa, nagpapakita sa gitna ng isang kalipunan ng mga taong sabik na naghihintay sa Kanya. Tayo ay nag-uunahan, walang nagnanais na maiwan, lahat ay sa layuning maging nasa unang kalipunan na makamasid sa pagpapakita ng Panginoon, na maging isa sa mga unang dinadala sa alapaap. Naibigay na natin ang lahat, hindi alintana ang kalalabasan, para sa pagdating ng araw na ito. Ang ilan ay isinusuko ang kanilang mga trabaho, ang ilan ay iniiwan ang kanilang mga pamilya, ang ilan ay tinatalikuran ang kanilang mga buhay may-asawa, at ang ilan ay ipinamimigay pa ang kanilang mga inipon. Anong walang-pag-iimbot na debosyon! Ang gayong sinseridad at katapatan ay tiyak na lampas pa kahit sa mga banal ng nakalipas na panahon! Habang ang Panginoon ay nagkakaloob ng biyaya sa kaninumang Kanyang naisin, at nahahabag sa kaninumang Kanyang naisin, ang ating debosyon at pagpapagal, tayo ay naniniwala, ay matagal na ring nakita ng Kanyang mga mata. Gayundin, ang ating taos-pusong mga panalangin ay nakaabot na rin sa Kanyang mga tainga, at tayo ay nagtitiwala na tayo ay gagantimpalaan ng Panginoon dahil sa ating debosyon. Bukod doon, ang Diyos ay nagmagandang-loob na sa atin bago pa man Niya nilikha ang mundo, at walang sinuman ang makapag-aalis ng mga pagpapala at pangako ng Diyos sa atin. Tayong lahat ay nagpaplano para sa hinaharap, at ang ating debosyon at pagpapagal ay kusa nating nailaan na bilang puhunang kapalit ng pagdadala sa pagsalubong sa Panginoon sa himpapawid. Higit pa rito, wala ni katiting na pag-aatubili, nailagay na natin ang ating sarili sa trono ng hinaharap, upang pamunuan ang lahat ng bansa at mga tao, o mamuno bilang mga hari. Ang lahat ng ito ay inaari nating nariyan na, o isang bagay na maaasahan.
Hinahamak natin ang lahat ng laban sa Panginoong Jesus; sa katapusan, silang lahat ay pupuksain. Sino ang nagsabi sa kanila na huwag maniwalang Tagapagligtas ang Panginoong Jesus? Tiyak na may mga pagkakataong ginagaya natin ang Panginoong Jesus sa pagiging mahabagin sa mga tao sa mundo, dahil hindi nila nauunawaan, at tayo ay nararapat na maging mapagparaya at mapagpatawad sa kanila. Ang lahat ng ating ginagawa ay alinsunod sa mga salita ng Biblia, dahil ang lahat ng hindi ayon sa Biblia ay maling pananampalataya, at isang paglihis. Ang ganitong uri ng paniniwala ay nakatanim nang malalim sa isipan ng bawat isa sa atin. Ang ating Panginoon ay nasa Biblia, at kung tayo ay hindi lumalayo sa Biblia, tayo ay hindi malalayo sa Panginoon; kung tayo ay sumusunod sa prinsipyong ito, tayo ay magtatamo ng kaligtasan. Inuudyukan natin at inaalalayan ang isa't isa, at sa tuwing tayo ay magsasama-sama, inaasahan natin na ang lahat ng ating sinasabi at ginagawa ay alinsunod sa kalooban ng Panginoon, at tatanggapin ng Panginoon. Sa kabila ng matinding hamon ng ating kapaligiran, ang ating mga puso ay puno ng kasiyahan. Kapag ating iniisip ang mga pagpapala na madaling makamit, mayroon pa bang hindi natin kayang talikuran? Mayroon pa bang anuman na atubili tayong iwanan? Ang lahat ng ito ay hindi na kailangang sabihin, at ang lahat ng ito ay pinagmamasdan ng Diyos. Tayo, itong isang dakot na mga nangangailangan na naiangat na mula sa tambak ng dumi, ay gaya lamang ng lahat ng karaniwang tagasunod ng Panginoong Jesus, nangangarap na madala sa alapaap, ng pagiging-mapalad, at ng pamamahala sa lahat ng bansa. Ang ating katiwalian ay nalantad na sa harap ng mga mata ng Diyos, at ang ating mga pagnanasa at kasakiman ay nahatulan na sa mga mata ng Diyos. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay pangkaraniwang nangyayari, at muli ay napakamakatuwiran, at walang sinuman sa atin ang nagkukuro kung ang ating pananabik ay nararapat, lalong walang sinuman sa atin ang nagdududa sa katiyakan ng lahat ng ating pinanghahawakan. Sino ang makakaalam ng kalooban ng Diyos? Hindi natin alam kung paano hanapin, o siyasatin, o kahit pagmalasakitan man lamang kung ano talaga itong landas na tinatahak ng tao. Dahil ang tanging inaalala natin ay kung madadala tayo, kung tayo ba ay mapapagpala, kung mayroon bang lugar para sa atin sa kaharian ng langit, at kung tayo ba ay magkakaroon ng bahagi sa tubig mula sa ilog ng buhay at sa bunga mula sa puno ng buhay. Hindi ba tayo naniniwala sa Panginoon, at nagiging mga tagasunod Niya, para lamang sa kapakanan ng pagtatamo ng mga bagay na ito? Napatawad na ang ating mga kasalanan, tayo ay nagsisi na, nainom na natin ang mapait na saro ng alak, at nailagay na ang krus sa ating likuran. Sino ang makapagsasabi na hindi malulugod ang Panginoon na tanggapin ang halagang ating naibayad na? Sino ang makapagsasabi na tayo ay hindi nakapaghanda nang sapat na langis? Hindi natin nais na maging yaong mga birheng hangal, o maging isa sa mga yaon na tinatalikdan. Higit pa rito, tayo ay palaging nananalangin, at hinihingi sa Panginoon na ingatan tayo upang hindi malinlang ng mga bulaang Cristo, dahil ang sabi sa Biblia ay: "Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang" (Mateo 24:23-24). Ating naitatak na sa ating mga isipan ang mga bersikulong ito ng Biblia, alam natin ang mga ito sa kaibuturan ng ating puso, at itinuturing natin ang mga ito bilang mahalagang kayamanan, bilang buhay, at mga katibayan na nagpapasya kung tayo ay maliligtas o madadala ...
Sa loob ng libu-libong taon, ang mga nabubuhay ay namatay na, dala-dala ang kanilang mga inaasam at mga pangarap, at walang tunay na nakakaalam kung sila ay napunta na sa kaharian ng langit. Ang mga patay ay nagbabalik, at kanilang nakakalimutan ang lahat ng kwento na minsang nangyari, at patuloy pa ring sinusunod ang mga turo at mga landas ng mga ninuno. At sa paraang ito, sa paglipas ng mga taon at pagdaan ng mga araw, walang nakakaalam kung talagang tinatanggap ang ating mga ginagawa ng ating Panginoong Jesus, ang ating Diyos. Ang nagagawa lamang natin ay tingnan ang kalalabasan at magpalagay tungkol sa lahat ng mangyayari. Nguni't, napanatili ng Diyos ang Kanyang katahimikan, hindi kailanman nagpapakita sa atin, hindi kailanman nagsasalita sa atin. At dahil doon, sinasadya nating gumawa ng mga paghatol tungkol sa kalooban at disposisyon ng Diyos ayon sa Biblia at alinsunod sa mga palatandaan. Tayo ay nasanay na sa katahimikan ng Diyos; tayo ay nasanay na sa pagsukat sa tama at mali sa ating pag-uugali gamit ang ating sariling paraan ng pag-iisip; tayo ay nasanay na sa pagsandig sa ating kaalaman, mga pagkaintindi, at pamantayang moral kapalit ng mga hinihingi ng Diyos sa atin; tayo ay nasanay na sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos; tayo ay nasanay na sa pagbibigay ng tulong ng Diyos tuwing ito ay ating kailangan; tayo ay nasanay na sa paglaladlad ng ating mga palad sa Diyos para sa lahat ng bagay, at sa pag-uutos sa Diyos; tayo rin ay nasanay na sa pag-ayon sa mga tuntunin, hindi binibigyang-pansin kung paano tayo pinangungunahan ng Banal na Espiritu; at, higit pa rito, tayo ay nasanay na sa mga araw na ang ating sarili ang ating panginoon. Naniniwala tayo sa Diyos na ganito, na hindi pa natin kailanman nakaharap. Ang mga tanong gaya ng kung ano ang katulad ng Kanyang disposisyon, kung ano ang mayroon at ano Siya, ano ang katulad ng Kanyang imahe, kung makikilala ba natin Siya kapag Siya ay dumating, at marami pang iba-wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay Siya ay nasa ating mga puso, na Siya ay hinihintay nating lahat, at sapat nang kaya nating isipin na Siya ay ganito o ganyan. Ikinagagalak natin ang ating pananampalataya, at pinahahalagahan ang ating espirituwalidad. Itinuturing nating dumi ang lahat ng bagay, at tinatapakan ang lahat ng bagay. Dahil tayo ay mga tagasunod ng maluwalhating Panginoon, gaano man katagal at kahirap ang paglalakbay, anumang paghihirap at panganib ang ating sapitin, walang makapagpapahinto sa ating mga yapak habang tayo ay sumusunod sa Panginoon. "Ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Diyos at ng Cordero. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Diyos at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Diyos: at sila'y maghahari magpakailan kailan man" (Pahayag 22:1-5). Sa tuwing inaawit natin ang mga salitang ito, ang mga puso natin ay napupuno ng kagalakan at kasiyahan, at ang mga luha ay tumutulo mula sa ating mga mata. Salamat sa Panginoon sa pagpili sa atin, salamat sa Panginoon sa Kanyang biyaya. Tayo ay nabigyan na Niya ng makasandaang ulit sa buhay na ito, tayo ay nabigyan na Niya ng buhay na walang hanggan sa mundong darating. Kung hihingin Niya sa atin na mamatay ngayon, gagawin natin ang gayon nang walang katiting mang pagdaing. O Panginoon! Pakiusap na dumating Ka na agad! Huwag ka nang maantala nang matagal kahit isang minuto, isang segundo, dahil kami ay labis na nananabik sa Iyo, at aming natalikdan na ang lahat para sa Iyo.
Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa kailanman nagpakita sa atin, nguni't ang Kanyang gawain ay hindi kailanman huminto. Binabantayan Niya ang buong lupa, at inuutusan ang lahat ng bagay, at pinagmamasdan ang lahat ng salita at gawa ng tao. Ang Kanyang pamamahala ay pinatatakbo Niya, na tiyak ang bawat hakbang at alinsunod sa Kanyang plano, nang tahimik, at hindi masigabo, nguni't ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, isa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang upuan sa paghatol ay ipinadadala sa sansinukob na kasimbilis ng kidlat, kasunod nito ang pagpanaog ng Kanyang trono sa ating kalagitnaan. Isang maringal na tanawin yaon, isang marangal at taimtim na larawan! Katulad ng isang kalapati, at katulad ng umaatungal na leon, ang Espiritu ay dumarating sa ating kalagitnaan. Siya ay karunungan, Siya ay katuwiran at kamahalan, at Siya ay tahimik na dumarating sa ating kalagitnaan, na may angking awtoridad at puno ng pagmamahal at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at, higit sa lahat, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang buhay ng tao ay nagpapatuloy gaya ng dati; walang naiiba sa kanyang puso, at ang mga araw ay dumaraan gaya ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa ating kalagitnaan, isang taong katulad ng iba pang tao, katulad ng isa sa pinakahamak na tagasunod at isang karaniwang mananampalataya. Siya ay may Kanyang sariling mga paghahangad, Kanyang sariling mga layunin, at, higit sa lahat, Siya ay may pagka-Diyos na wala sa kahit na sinong karaniwang tao. Walang sinuman ang nakapansin na sa pag-iral ng Kanyang pagka-Diyos, at walang sinuman ang nakaramdam na ng kaibahan ng Kanyang diwa doon sa tao. Tayo ay namumuhay na kasama Siya, malaya at walang takot, dahil sa ating paningin Siya ay isa lamang hamak na mananampalataya. Pinagmamasdan Niya ang lahat ng ating mga kilos, at lahat ng ating mga kaisipan at mga kuru-kuro ay lantad sa Kanyang harapan. Walang sinuman ang nagkakaroon ng hangarin sa Kanyang pag-iral, walang sinuman ang nakakaisip ng anuman tungkol sa Kanyang katungkulan, at, higit sa lahat, walang sinuman ang mayroong munti mang hinala kung sino Siya. Ipinagpapatuloy lamang natin ang ating mga paghahangad, na tila Siya ay walang kinalaman sa atin ...
Nagkataon, ang Banal na Espiritu ay nagpapahayag ng ilang salita "sa pamamagitan" Niya, at kahit na ito ay parang hindi inaasahan, gayunman ay kinikilala natin ito bilang isang pagbigkas na nagmumula sa Diyos, at ito ay bukas-palad nating tinatanggap mula sa Diyos. Iyon ay sa dahilang, hindi alintana kung sino ang nagpapahayag ng mga salitang ito, hangga't ito ay nagmumula sa Banal na Espiritu, nararapat nating tanggapin ang mga ito, at hindi maaaring tanggihan ang mga ito. Ang susunod na pagbigkas ay maaaring dumating sa pamamagitan ko, o sa pamamagitan mo, o sa pamamagitan niya. Kung sinuman ito, ang lahat ay ang biyaya ng Diyos. Nguni't kahit na sino pa man iyon, hindi nararapat na sambahin ang taong ito, sapagka't anuman ang mangyari, ang taong ito ay hindi maaaring maging Diyos, ni sa anumang paraan ay mamimili tayo ng isang karaniwang tao na katulad nito upang maging ating Diyos. Ang ating Diyos ay napakadakila at kagalang-galang; paano Siya makakatawan ng gayong hamak na tao lamang? Higit pa, hinihintay nating lahat ang pagdating ng Diyos upang tayo ay dalhin Niyang muli sa kaharian ng langit, kaya papaanong ang isang napakahamak na tao ay magiging angkop para sa gayong napakahalaga at napakahirap na gawain? Kung babalik muli ang Panginoon, ito dapat ay sa ibabaw ng puting ulap, nang makikita ng lahat ng karamihan. Magiging napakaluwalhati niyon! Paano Siyang tahimik na makapagtatago sa kalagitnaan ng isang karaniwang kalipunan ng mga tao?
Nguni't ang karaniwang taong ito, na nakatago sa kalagitnaan ng mga tao, ang siyang gumagawa ng bagong gawain ng pagliligtas sa atin. Hindi Niya ipinaliliwanag ang anumang bagay sa atin, hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya dumating, nguni't ginagawa Niya lamang ang mga gawain na hinahangad Niyang gawin sa mga tiyak na hakbang na alinsunod sa Kanyang plano. Ang Kanyang mga salita at mga pagbigkas ay nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, pagpapayo, pagpapaalala, at mga babala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang malupit at maringal-ang mga iyon ay naggagawad ng awa at nagkikintal ng pangamba sa tao. Lahat ng Kanyang sinasabi ay palaging tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan, ang Kanyang mga salita ay tumutusok sa ating mga puso, tumutusok sa ating mga espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan at hindi malaman kung saan tayo magtatago. Tayo ay nagsisimulang magtaka kung talagang mahal tayo ng Diyos na nasa puso ng taong ito, at kung ano talaga ang Kanyang binabalak gawin. Marahil madadala lamang tayo ng Panginoon pagkatapos pagtiisan ang mga pagdurusang ito? Sa ating mga isipan, ating tinutuos ... ang tungkol sa hantungang parating, at tungkol sa ating hinaharap na kapalaran. Gayunman, gaya ng dati, wala sa atin ang naniniwala na ang Diyos ay nagkatawang-tao na upang gumawa sa kalagitnaan natin. Kahit na nakasama na natin Siya sa matagal na panahon, kahit na Siya ay nakapagsalita na nang napakaraming salita sa ating harapan, ayaw pa rin nating loobing tanggapin ang gayong karaniwang tao bilang Diyos ng ating hinaharap, hindi pa rin natin maipagkatiwala ang pagkontrol ng ating hinaharap at ating kapalaran sa hamak na taong ito. Mula sa Kanya ay ating tinatamasa ang walang-tigil na tustos ng tubig na buhay, at sa pamamagitan Niya tayo ay nabubuhay kasama ng Diyos. Nguni't tayo ay nagpapasalamat lamang sa biyaya ng Panginoong Jesus sa langit, at hindi kailanman nagbibigay-pansin sa nararamdaman ng karaniwang taong ito na nagtataglay ng pagka-Diyos. Gaya ng dati, patuloy Niyang ginagawa ang Kanyang gawain, mapagkumbabang nakatago sa katawang-tao, ipinapahayag ang kaloob-looban Niyang puso, na tila hindi nadarama ang hindi-pagtanggap sa Kanya ng sangkatauhan, wari'y walang-katapusang nagpapatawad sa kamusmusan at kamangmangan ng tao, at magpakailanmang nagpaparaya sa kalapastanganan ng tao tungo sa Kanya.
Wala tayong kaalam-alam, pinangungunahan tayo ng hamak na taong ito tungo sa sunud-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Sumasailalim tayo sa hindi-mabilang na mga pagsubok, nagpapasan ng hindi-mabilang na mga pagkastigo, at sinusubok ng kamatayan. Natututuhan natin ang matuwid at maringal na disposisyon ng Diyos, natatamasa, rin, ang Kanyang pag-ibig at awa, pinahahalagahan ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at napagmamasdan ang Kanyang sabik na pagnanais na iligtas ang tao. Sa mga salita ng karaniwang taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, naiintindihan ang kalooban ng Diyos, nalalaman ang kalikasan at diwa ng tao, at nakikita ang daan ng kaligtasan at pagka-perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagsasanhi ng ating "kamatayan," at muli nagsasanhi ng ating "kapanganakang muli"; ang Kanyang mga salita ay nagdudulot ng kaginhawahan, gayunpaman ay iniiwan din tayong naliligalig ng pagkakasala at ng pakiramdam na may-pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay nagdadala sa atin ng kagalakan at kapayapaan, subali't ito'y nagbibigay din ng walang-katapusang pasakit. Minsan tayo ay parang mga tupang kakatayin sa Kanyang mga kamay; minsan tayo ay Kanyang kinagigiliwan, at tinatamasa ang Kanyang malambing na pagsinta; minsan tayo ay parang Kanyang kaaway, at nagiging abo dahil sa Kanyang galit sa Kanyang mga mata. Tayo ang sangkatauhan na Kanyang iniligtas, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na Kanyang pilit na hinahanap araw at gabi. Siya ay maawain sa atin, tayo ay Kanyang kinamumuhian, tayo ay Kanyang iniaangat, tayo ay Kanyang inaaliw at pinapayuhan, tayo ay Kanyang ginagabayan, tayo ay Kanyang nililiwanagan, tayo ay Kanyang kinakastigo at dinidisiplina, at tayo rin ay Kanyang isinusumpa. Siya ay laging nag-aalala para sa atin sa gabi at araw, at tayo ay Kanyang kinakalinga at pinangangalagaan sa gabi at araw, hindi kailanman lumilisan sa ating tabi, kundi ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pangangalaga sa atin at nagbabayad ng anumang halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas nitong maliit at karaniwang katawang-tao, natamasa na natin ang kabuuan ng Diyos, at namasdan ang hantungan na naipagkaloob na sa atin ng Diyos. Nguni't sa kabila nito, nananatili ang kayabangan sa ating mga puso, at ayaw pa rin nating loobing masigasig na tanggapin ang taong ito bilang ating Diyos. Kahit na nabigyan na Niya tayo ng napakaraming manna, napakarami upang ating tamasahin, wala sa mga ito ang nakakaagaw sa lugar ng Diyos sa ating mga puso. Ating pinararangalan ang natatanging pagkakakilanlan at katayuan ng taong ito nang may matinding pag-aatubili. Hangga't Siya ay hindi nagsasalita upang hingin sa atin na Siya ay ating kilalanin bilang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusa na Siya ay kilalanin bilang ang Diyos na malapit nang dumating at gayunman ay gumagawa na nang matagal sa ating kalagitnaan.
Ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba't ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang nararapat gawin habang kasabay na binibigyang-tinig ang Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, ipinakikita sa atin ang paraan kung paano tayo dapat lumakad, at binibigyang-kakayahan tayo na maintindihan ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, sinisimulan nating ituon ang ating pansin sa himig at paraan ng Kanyang pananalita, at wala tayong kamalay-malay na nagsisimulang magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng pangkaraniwang taong ito. Siya ay gumagawa nang maingat na pagsisikap para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumadaing sa sakit para sa atin, nakakaranas ng pagpapahiya para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan, at ang Kanyang puso ay dumudugo at lumuluha dahil sa ating pagiging manhid at pagkamapanghimagsik. Ang may ganitong pagkatao at pag-uugali ay hindi karaniwang tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi angkin ng karaniwang tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi taglay ng sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may gayong kalinaw at ganap na pagtarok sa ating kalikasan at diwa, o nakakahatol sa pagkamapaghimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o nakakapagsalita sa atin at gumagawa sa ating kalagitnaan nang ganito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan at karangalan ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay bumubukal, sa kabuuan ng mga ito, mula sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagpakita sa atin ng daan at makakapagdala sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagbunyag ng mga hiwaga na hindi pa naipaalam ng Diyos mula sa paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagligtas sa atin mula sa gapos ni Satanas at ng ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Inihahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Siya ay nagsimula na ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at naghatid ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at Siya ay nagdala na sa atin ng pag-asa, tinatapos ang ating pamumuhay sa kalabuan at hinahayaan ang ating buong pagkatao na lubos na mamasdan, nang buong kalinawan, ang daan ng kaligtasan. Kanyang nalupig na ang ating buong pagkatao, at nakamit ang ating mga puso. Mula sa sandaling iyon, ang ating mga isipan ay nagkamalay na, at ang ating mga espiritu ay tila napanumbalik: Ang karaniwan at hamak na taong ito, na namumuhay kasama natin at matagal na nating tinanggihan-hindi ba't Siya ang Panginoong Jesus, na laging nasa ating mga isipan, gising man o nananaginip, at ating inaasam sa gabi at araw? Ito ay Siya! Ito ay talagang Siya! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tayo ay nabigyang-kakayahan na Niyang mabuhay muli at makita ang liwanag, at napatigil na ang ating mga puso sa paglihis. Tayo ay nagbalik na sa tahanan ng Diyos, tayo ay nagbalik na sa harap ng Kanyang trono, tayo ay kaharap Niya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang landas sa hinaharap. Sa panahong ito, ang puso natin ay lubusan Niyang nilulupig; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tinututulan ang Kanyang gawain at Kanyang salita, at tayo ay nagpapatirapa sa Kanyang harapan. Tayo ay hindi nagnanais ng anuman maliban sa pagsunod sa mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating mga buhay, at upang tayo ay Kanyang magawang perpekto, at upang masuklian natin ang Kanyang biyaya, upang masuklian ang Kanyang pag-ibig sa atin, at upang sundin ang Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos, at upang makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang tapusin ang Kanyang mga ipinagkakatiwala sa atin.
Ang panlulupig ng Diyos sa atin ay parang paligsahan ng sining ng pakikipaglaban.
Ang bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumatama sa isa sa ating mga mortal na bahagi, na iniiwan tayong malungkot at puno ng takot. Inilalantad Niya ang ating mga pagkaunawa, ang ating mga naguguni-guni, at ang ating tiwaling disposisyon. Mula sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa, hanggang sa lahat ng ating mga saloobin at mga kaisipan, ang ating kalikasan at diwa ay ibinubunyag sa Kanyang mga salita, iniiwan tayong nanginginig sa takot at walang mapagtaguan ng ating kahihiyan. Isa-isa, sinasabi Niya sa atin ang tungkol sa lahat ng ating mga pagkilos, ating mga layunin at mga hangarin, maging ang ating tiwaling disposisyon na hindi pa natin natutuklasan, nararamdaman natin na tila lubusan tayong nailantad sa lahat ng ating kahabag-habag na pagka-hindi perpekto, at lalong higit pa, na talagang nahikayat tayo. Tayo ay Kanyang hinahatulan sa ating pagsalungat sa Kanya, kinakastigo dahil sa ating pagsalangsang at paghusga sa Kanya, at ipinararamdam sa atin na, sa Kanyang mga mata, tayo ay wala kahit isang katangiang nagtutubos, na tayo ang nabubuhay na Satanas. Ang ating mga pag-asa ay nawawasak, hindi na tayo naglalakas-loob na humingi ng anumang hindi-makatuwiran o nag-iisip na umasa pa sa Kanya, at maging ang ating mga pangarap ay naglalaho sa magdamag. Ito ay isang katunayan na hindi natin maakala at wala sa atin ang makatatanggap. Sa loob ng isang saglit, nawawalan tayo ng panimbang, at hindi alam kung papaano magpatuloy sa daan na hinaharap, o kung papaano magpatuloy sa ating mga paniniwala. Tila ang ating pananampalataya ay nagbalik na sa umpisa, at muli tila hindi pa natin kailanman nakatagpo ang Panginoong Jesus o nakilala Siya. Naguguluhan tayo dahil sa lahat ng nakikita natin, at ating nararamdaman na parang tayo ay natatangay ng alon. Nasisira ang ating loob, tayo ay nabibigo, at sa ating mga puso ay mayroong matigas na galit at kahihiyan. Sinusubukan nating magbulalas, maghanap ng daan palabas, at, higit sa lahat, ipagpatuloy ang paghihintay sa ating Tagapagligtas na si Jesus, upang maaari nating ibuhos ang ating mga damdamin sa Kanya. Bagaman may mga pagkakataong tila kalmado lamang tayo sa labas, hindi mapagmayabang o mapagpakumbaba, sa ating mga puso tayo ay tinatablan ng pakiramdam na nawalan na hindi pa natin kailanman naramdaman dati. Bagaman minsan maaaring tila tayo ay di-pangkaraniwang tiwasay sa panlabas, ang mga isipan natin ay nagugulo ng paghihirap gaya ng maalong dagat. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nabaklasan tayo ng lahat ng ating mga pag-asa at mga pangarap, nagwawakas sa ating mga maluhong pagnanasa at iniiwan tayong hindi handang maniwala na Siya ang ating Tagapagligtas at may kakayanang tayo ay iligtas. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagbukas na ng napakalalim na agwat sa pagitan natin at Niya kaya't walang sinuman ang nagnanais man lamang na sumubok at tumawid. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang unang pagkakataon na tayo ay nakaranas nang ganoon kalaking kabiguan, at ganoon kalaking kahihiyan sa ating mga buhay. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagsanhi sa atin na talagang pahalagahan ang karangalan ng Diyos at hindi-pagkunsinti sa pagkakasala ng tao, na kung saan tayo ay masyadong mababa at masyadong marumi kung ihahambing. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpatanto na sa atin sa unang pagkakataon kung gaano tayo kayabang at kahambog, at kung papaanong kahit kailan ay hindi magiging kapantay ang tao sa Diyos, o kaparis ng Diyos. Dahil sa Kanyang paghatol at pagkastigo tayo ay naghangad na hindi na muling mamuhay sa gayong tiwaling disposisyon, tanggalin sa ating mga sarili ang ganitong kalikasan at diwa sa lalong madaling panahon, at hindi na maging kinamumuhian Niya at nakapandidiri sa Kanya. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpasaya na sa atin na sumunod sa Kanyang mga salita, at hindi na kailanman naghihimagsik laban sa Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay minsan pang nagbigay na sa atin ng pagnanais na mabuhay pa, at nagpasaya na sa atin na tanggapin Siya bilang ating Tagapagligtas.... Nakalabas na tayo sa gawain ng panlulupig, mula sa impiyerno, mula sa lambak ng kamatayan.... Nakamit na tayo, itong pangkat ng mga tao, ng Makapangyarihang Diyos! Siya ay nagtagumpay na laban kay Satanas, at tinalo ang lahat ng Kanyang mga kaaway!
Tayo ay karaniwang kalipunan lamang ng tao, nagtaglay ng tiwaling disposisyon ni Satanas, ang mga paunang-itinalaga ng Diyos bago ang mga kapanahunan, at ang mga nangangailangan na iniangat ng Diyos mula sa tambak ng dumi. Minsan na nating tinanggihan at hinusgahan ang Diyos, nguni't ngayon tayo ay Kanyang nalupig na. Tayo ay nakatanggap na ng buhay, ng daan ng buhay na walang-hanggan mula sa Diyos. Kahit saan man tayo sa lupa, anumang mga pag-uusig at mga kapighatian ang tinitiis natin, hindi tayo maihihiwalay mula sa pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos. Dahil Siya ang ating Lumikha, at ang ating tanging katubusan!
Ang pag-ibig ng Diyos ay umaabot sa malayo katulad ng tubig sa batis, at ibinibigay sa iyo, at sa akin, at sa kanya, at sa lahat ng tunay na naghahanap ng katotohanan at naghihintay sa pagpapakita ng Diyos.
Katulad lamang ng pagsunod ng buwan sa araw sa walang-katapusang paghahalinhinan, gayundin ang gawa ng Diyos ay hindi kailanman natatapos, at isinasakatuparan sa iyo, sa akin, sa kanya, at sa lahat ng sumusunod sa mga yapak ng Diyos at tumatanggap sa Kanyang paghatol at pagkastigo.
Marso 23, 2010