Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III | Sipi 64
Kung nais nating higit na maintindihan kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, hindi tayo maaaring tumigil sa Lumang Tipan o sa Kapanahunan ng Kautusan, kundi kailangan nating humakbang pasulong kasabay ng mga hakbang na tinahak ng Diyos sa Kanyang gawain. Kaya, yamang tinatapos ng Diyos ang Kapanahunan ng Kautusan at sinimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, ang ating sariling mga hakbang ay nakarating sa Kapanahunan ng Biyaya-isang kapanahunan na puno ng biyaya at pagtubos. Sa kapanahunang ito, gumawa muli ang Diyos ng isang napakahalagang bagay sa unang pagkakataon. Ang gawain para sa bagong kapanahunang ito kapwa para sa Diyos at sangkatauhan ay isang bagong panimula. Ang bagong panimulang ito ay isa muling bagong gawain na ginawa ng Diyos sa unang pagkakataon. Ang bagong gawaing ito ay isang bagay na walang kapantay na pinatupad ng Diyos na hindi malilirip ng mga tao at lahat ng mga nilalang. Ito ay isang bagay na ngayon ay tanyag na sa lahat ng mga tao-ito ang unang pagkakataon na ang Diyos ay naging isang tao, ang unang pagkakataon na nagsimula Siya ng bagong gawain sa anyo ng isang tao, sa pagkakakilanlan ng isang tao. Ang bagong gawaing ito ay sumasagisag na natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na hindi na Siya gagawa o magsasalita ng anuman sa ilalim ng kautusan. Ni magsasalita Siya o gumawa ng anumang bagay sa anyo ng kautusan o alinsunod sa mga panuntunan o mga patakaran ng kautusan. Iyon ay, ang lahat ng Kanyang gawain batay sa kautusan ay pinatigil na magpakailanman at hindi na matutuloy, dahil gusto ng Diyos na magsimula ng bagong gawain at gumawa ng mga bagong bagay, at ang Kanyang plano ay muling nagkaroon ng bagong pasimula. Kaya, kailangang pangunahan ng Diyos ang sangkatauhan tungo sa bagong kapanahunan.
Maging ito man ay nakagagalak o nakatatakot na balita sa mga tao ay depende kung ano ang kanilang diwa. Maaaring masabi na ito ay hindi nakagagalak na balita, ngunit ito ay nakatatakot na balita sa ilang mga tao, sapagkat nang simulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, ang mga tao na sumusunod lamang sa mga kautusan at mga patakaran, na sumusunod lamang sa mga doktrina ngunit hindi takot sa Diyos ay maaaring gamitin ang lumang gawain ng Diyos upang hatulan ang Kanyang bagong gawain. Para sa mga taong ito, ito ay nakatatakot na balita; ngunit sa bawat tao na walang muwang at bukas, na taimtim sa Diyos at nagnanais na makatanggap ng Kanyang pagtubos, ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang nakagagalak na balita. Sapagkat simula nang magkaroon ng mga tao, ito ang unang pagkakataon na ang Diyos ay nagpakita at namuhay sa gitna ng sangkatauhan sa isang anyo na hindi ang Espiritu; sa halip, Siya ay isinilang sa isang tao at namuhay sa gitna ng mga tao bilang Anak ng tao, at gumawa sa kanilang kalagitnaan. Ang "unang pagkakataon" na ito ang sumira sa mga pagkaintindi ng mga tao at lampas din sa lahat ng imahinasyon. Bilang karagdagan, lahat ng mga sumusunod sa Diyos ay nagkamit ng isang totoong pakinabang. Hindi lamang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan, ngunit tinapos din Niya ang lumang mga pamamaraan ng paggawa at istilo ng paggawa. Hindi na Niya pinahihintulutan ang Kanyang mga sinugo na ipaabot ang Kanyang kalooban, at hindi na Siya nakatago sa mga ulap, at hindi na nagpapakita o nakikipag-usap sa mga tao nang may kapangyarihan sa pamamagitan ng kulog. Hindi kagaya ng anumang bagay noong una, sa pamamagitan ng isang pamamaraan na hindi maiisip ng mga tao na mahirap para sa kanila na maintindihan o tanggapin-ang maging tao-Siya ay naging Anak ng tao upang paunlarin ang gawain sa kapanahunang iyon. Ang hakbang na ito ay ikinabigla ng mga tao, at ito ay talagang nakakaasiwa sa kanila, sapagkat ang Diyos ay muling nagsimula ng bagong gawain na hindi pa Niya ginawa noong una.
Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao