Kapag Bumalik ang Panginoon, Una ba Siyang Darating nang Nasa Alapaap o Darating nang Palihim?
Namumutawi sa asul na langit ang mga puting alapaap na lumulutang at dumaraang tulad ng isang obra ng umaagos na tanawin, at hindi ko mapigilang mapa-buntong-hininga habang iniisip kung paano madalas sabihin ng pastor na, "Sa mga huling araw, babalik ang Panginoon nang nasa puting alapaap, at hangga't nakaantabay tayo at hinihintay ang Kanyang pagbabalik, tayo ay muling bubuhayin ng Panginoon at malugod na tatanggapin sa kaharian ng langit...." Mahigit 10 taon ang nakalipas, madalas akong tumingin sa langit nang may matayog na pag-asa, nangangarap na ang Panginoong Jesus ay biglang magpapakita nang nasa puting alapaap upang dalhin tayo sa langit. Ngunit mahigit 10 taon na ang nakalipas simula noon at hindi ko kailanman nakita ang pagdating ng Panginoon. Hindi ko mapigilang makaramdam ng kalungkutan habang iniisip na: Nalalapit na tayo sa mga huling araw, kailan kaya darating ang Panginoon upang salubungin tayo? Lubos akong umaasang isang araw ay magagawa kong makita ang Panginoon na nakasakay sa puting alapaap mula sa langit-napakasaya nito!
Isang araw, binisita ko ang isang kaibigan at nagkataong naroon ang lalaking pamangkin ng aking kaibigan, si Kapatid na Li. Noong napag-usapan namin ang kalagayan ng mundo sa kasalukuyan kung saan sa lahat ng dako ay may mga sakunang palaki nang palaki ang sakop, at tungkol sa paglitaw ng mga dugong buwan na binanggit sa Pahayag, pakiramdam namin ay halos naisakatuparan na ang mga propesiya hinggil sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, at na Siya ay babalik na sa lalong madaling panahon. Tinanong ako ni Kapatid na Li, "Kapatid, sa iyong palagay, sa paanong paraan babalik ang Panginoon?" Nang hindi pinag-iisipan, sinabi kong "Darating Siyang nasa puting alapaap, siyempre, dahil sinabi Niyang: 'At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian' (Lucas 21:27). At nasa propesiya ito sa kapitulo 1, talata 7 ng Pahayag: 'Narito, siya'y pumaparitong nasasa mga alapaap.'"
Ani Kapatid na Li, "Kapatid, dati'y iniisip ko na babalik ang Panginoon nang nasa puting alapaap at na darating Siya nang may dakilang kaluwalhatian. Ngunit dumalo ako sa isang pulong ng mga kasama sa gawain, at sa pamamagitan ng pagtalakay sa paraan ng pagbabalik ng Panginoon kasama ang mga kapatid doon, naunawaan ko na rin sa wakas na, maliban sa mga propesiya sa Bibliya na nagsasaad na hayagang darating ang Panginoon nang nasa mga alapaap, sa katunayan ay maraming iba pang mga talata sa Kasulatan na nagsasaad ng propesiyang darating nang palihim ang Panginoon sa Kanyang pagbabalik."
Bago hintaying matapos sa pagsasalita si Kapatid na Li, di-mapakali akong sumingit, at sinabing, "Paano nangyari ito? Hindi ba darating ang Diyos lulan ng puting alapaap? Paano nangyaring darating Siya nang palihim?"
Si Kapatid na Li ay ngumiti at nagwikang, "Kapatid, ang totoo, may mga misteryong nauugnay sa pagbabalik ng Panginoon. Kinonsulta ko ang Bibliya kasama ang mga kapatid at nagbahagian kami at tinalakay namin ito, at doon ko lamang natuklasan na mayroong dalawang paraan ng pagbabalik ang Panginoon: Ang isa, hayag na darating ang Panginoon nang nasa mga alapaap, at ang isa naman, darating Siya nang palihim. Tulad ng sinasabi sa Pahayag 16:15, 'Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.' Sinasabi sa Mateo 25:6, 'Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.' At sa Mateo 24:43-44, sinasabing: 'Datapuwa't ito'y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya'y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay. Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.' Ang mga salita sa mga talatang ito, 'gaya ng magnanakaw,' 'pagkahating gabi ay may sumigaw' at 'sa oras na hindi ninyo iniisip' ay tumutukoy sa katotohanang ang Panginoon ay babalik nang may katahimikan nang sa gayon ay manatili tayong walang kamalay-malay, tumutukoy ang mga ito sa pagdating ng Panginoon nang tahimik at palihim. Dagdag pa, noong ginawang propesiya ng Panginoon ang Kanyang pagbabalik, sinabi Niyang, 'Sapagka't gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan. Datapuwa't kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito' (Lucas 17:24-25). Ang 'Anak ng tao' na binanggit dito ay tumutukoy sa isang nilalang na isinilang na tao at nagtataglay ng normal na katauhan. Alam nating ang Panginoong Jesus ay tinawag na Anak ng tao at Kristo dahil Siya ay nagkatawang-tao mula sa Espiritu ng Diyos. Sa panlabas, tulad lamang din Siya ng ordinaryo at normal na tao, at walang sinuman ang makapagsasabihing Siya ay Diyos, at walang nakakaalam ng Kanyang tunay na identidad. Para sa tao, nanatiling lihim ang Kanyang identidad hanggang sa ang Panginoong Jesus ay nagsimulang mangaral at isagawa ang Kanyang gawain, at doon lamang Siya nakilala ng mga tao bilang Panginoon at bilang Kristo. Samakatuwid, ginawang propesiya ng Panginoon na ang Kanyang pagbabalik ay tulad ng pagdating ng Anak ng tao, at nangangahulugan ito, sa katunayan, na magkakatawang-tao ang Diyos bilang Anak ng tao at darating nang palihim."
Pagkatapos magsalita ni Kapatid na Li, maingat kong pinagnilay-nilayan ang mga talatang iyon ng Kasulatan at naisip sa sarili: Sumasang-ayon sa Bibliya ang ibinahagi ng kapatid, nagtataglay ito ng kalinawagan ng Banal na Espiritu at naglalaman ito ng bagong liwanag. Tila ba tunay na ang Panginoon ay babalik bilang Anak ng tao at darating nang palihim. Noon pa ma'y nabasa ko na ang mga talatang ito, ngunit bakit hindi ko ito kailanman napagtanto? Sinabi ko, kung gayon, sa kapatid na, "Nauunawaan ko ang iyong ibinahagi. Samakatuwid, ang mga salitang 'darating ang Anak ng tao' at 'bilang magnanakaw' ay nangangahulugan, sa katunayan, na ang Diyos ay magkakatawang-tao bilang Anak ng tao at darating nang palihim. Tila isa itong wagas na pagkaunawa. Ngunit hindi ko pa rin lubos na naiintindihan. Kung, sa pagbabalik ng Panginoon, tunay ngang dumating Siya nang palihim sa katawang-tao, paano maipapaliwanag ang propesiya sa Bibliya na darating ang Panginoon nang nasa mga alapaap at makikita Siya ng bawat mata?"
Si Kapatid na Li ay ngumiti at nagwikang, "Naging kalituhan din ito para sakin noon. Iniisip ko noon na tiyak na isang kontradiksyon na ang isang propesiya ay nagsasabing ang Panginoon ay darating nang palihim tulad ng isang magnanakaw, habang ang isa pang propesiya ay nagsasabing darating Siya nang nasa puting alapaap at hayag na magpapakita. Kinalaunan, sa pamamagitan ng patuloy na paghahanap at pagtalakay sa usaping ito kasama ang mga kapatid, doon ko lamang naunawaan ang kaalaman ng Diyos sa likod nito. Sa katunayan, ang dalawang paraan ng pagbabalik ng Panginoon ay hindi isang kontradiksyon, sa halip ay sekwensyal. Una, ang Panginoon ay magkakatawang-tao bilang Anak ng tao, at magpapakita at magsasagawa ng Kanyang gawain, at saka Siya darating kasama ang mga alapaap at hayag na magpapakita. Dagdag pa, nauugnay ito sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, tulad ng sinasabi sa Unang Epistola ni Pedro 4:17, 'Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios.' At sa Juan 12:48, sinasabing, 'Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw.' Malinaw nating makikita mula sa mga talatang ito na kapag nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw, isasagawa Niya ang gawain ng paghuhukom simula sa bahay ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan, hahatulan at lilinisin ng Diyos ang tao upang gawing perpekto ang isang grupo ng tao upang maging mga matagumpay. Narinig ng matatalinong dalaga ang tinig ng Diyos at doon nila nagawang tanggapin Siya at sundan ang mga yabag ng Kordero. Samakatuwid, habang palihim na gumagawa ang Diyos, ang lahat ng tumatanggap ng pagpapalago at pagpapalakas ng mga salita ng Diyos, iyong ang mga tiwaling disposisyon ay nalinis at iyong nagawang lubusang itakwil ang masamang impluwensiya ni Satanas, ang magiging matagumpay na ginawang kumpleto ng Diyos. Tiyak nitong isinasakatuparan ang propesiya sa Aklat ng Pahayag: 'Ang mga ito'y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka't sila'y mga malilinis. At ang mga ito'y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito'y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero. At sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila'y mga walang dungis' (Pahayag 14:4-5). Sa sandaling ang mga nagtagumpay ay nagawa nang kumpleto, matatapos na ang lihim na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, babalik ang Diyos sa Zion nang may kaluwalhatian at ang malalaking sakuna ay bababa na sa mundo. Sa panahong ito, ang lahat ng taong lumaban at tumuligsa kay Kristo sa mga huling araw habang palihim Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain ay mapapasama sa mga sakuna at mapaparusahan. Isasakatuparan nito ang propesiyang sinabi sa Pahayag 1:7, 'Narito, siya'y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa't mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya.' Samakatuwid, kapag bumalik ang Diyos sa mga huling araw, darating muna siya nang palihim, at saka pa lamang darating nang hayag. Ang panahon kung kailan palihim na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ay ang yugto kung kailan ililigtas at gagawing perpekto ng Diyos ang tao, at kapag dumating Siya kasama ng mga alapaap, ito ang panahon kung kailan hayag na magpapakita ang Diyos sa sangkatauhan at Kanyang gagantimpalaan ang mabuti at paparusahan ang masama, at iyong mga hindi tumanggap sa lihim na gawin ng Diyos ay masasama sa mga sakuna nang may lubos na pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Sa ganitong paraan, maihihiwalay ang trigo mula sa mga pangsirang damo, ang tupa mula sa mga kambing, at ang matatalinong dalaga sa mga mangmang na dalaga." Matapos pakinggan ang pagbabahagi ni Kapatid na Li, biglang napuno ang aking puso ng liwanag at, puno ng emosyon, aking sinabi, "Kapatid, naunawaan ko ang iyong pagbabahagi. Lumalabas kung gayon na ang paraan ng pagbabalik ng Panginoon ay sa pamamagitan ng una Niyang pagkakatawang-tao bilang Anak ng tao upang isagawa ang gawain ng paghuhukom at, matapos Niyang makumpleto ang grupo ng mga matagumpay bago ang mga sakuna, kapag dumating na ang mga sakuna, sisimulan ng Diyos na gantimpalaan ang mabuti at parusahan ang masama, at hayag Siyang magpapakita sa lahat ng mga bansa at mga tao. Sa ganitong paraan, walang kontradiksyon sa mga propesiya sa Bibliya. Naunawaan ko rin na kung agarang magpapakita nang hayag ang Diyos sa lahat, luluhod ang lahat ng tao upang tanggapin at sundin Siya, at kung gayon ay hindi maihihiwalay ang trigo mula sa mga pangsirang damo, gayundin ang mga tupa mula sa mga kambing-napakatalino ng Diyos upang dumating nang palihim! Gayunpaman, dahil ang pagbabalik ng Diyos ay unang mangyayari nang palihim, paano natin Siya masasalubong?"
Nakangiti, winika ni Kapatid na Li, "Pasalamatan ang Panginoon. Mahalaga ang katanungang ito, at hinanap ko ang kasagutan dito noong naroon ako sa pulong ng mga kasama sa gawain. Binasahan ako ng mga kapatid ng ilang talata ng Kasulatan."
Namamangha, sinabi kong, "Nakatala rin ito sa Kasulatan? Aling mga talata?"
Winika ni Kapatid na Li, "Sa Juan 16:12-13, sinabi ng Panginoong Jesus, 'Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni't ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.' Sinasabi sa Pahayag 3:20, 'Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko.' At sa Juan 10:27, sinabi ng Panginoong Jesus, 'Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin.' Ilan lamang ito sa mga halimbawa. Mula sa mga propesiyang ito, makikita natin na, kapag bumalik ang Diyos sa mga huling araw, magsasabi Siya ng mas marami pang salita, at sa pamamagitan ng pagpapahayag na ito ng katotohanan kakatok ang Diyos sa ating mga pinto, hinahanap ang Kanyang kawan. Kailangan natin, kung gayon, na tumuon sa pakikinig sa tinig ng Diyos, dahil doon lamang tayo maaaring maging tulad ng matatalinong dalaga at doon lamang natin maaaring salubungin ang pagpapakita ng Panginoon. Tulad halimbawa noong tinawag ang Panginoong Jesus kay Nathaniel. Nang hindi pa man nakikita si Nathaniel, nalaman na ng Panginoon na nagdarasal siya sa ilalim ng puno ng igos, at nalaman Niyang ang puso ni Nathaniel ay hindi naglalaman ng panlilinlang, at kung kaya, nasabi ni Nathaniel mula sa mga salita ng Panginoong Jesus na Siya ang 'Anak ng Diyos' at 'Hari ng Israel.' At dahil narinig ng mga disipulo, gaya nina Pedro at Juan, na nagsalita ang Panginoong Jesus, nakilala nila na tunay ngang Siya si Kristo. Makikita natin mula sa mga pangyayaring ito na iyong mga nakakarinig ng tinig ng Panginoon, iyong nakakatukoy na ang mga salita ng Panginoon ay katotohanan at nakakatatanggap at nakakasunod sa pagpapakita at gawain ng Panginoon, ang tanging muling-bubuhayin sa Diyos, at sila lamang ang matatalinong dalaga. Pagdating naman sa ating pagsalubong sa Panginoon, samakatuwid, dapat na mayroon tayong mga pusong naghahanap nang may bukas na pag-iisip, at kapag makarinig tayo ng taong nagpapatotoo sa gawain at mga salita ng bumalik na Panginoon, dapat na aktibo nating hanapin at siyasatin ang mga ito, dahil ito lamang ang paraan upang magkaroon tayo ng pagkakataong salubungin ang Panginoon."
Ganap akong sumang-ayon, at nagsabing, "Kung nais nating salubungin ang pagbabalik ng Panginoon, kailangan nating matutunang pakinggan ang tinig ng Diyos, at ito ang landas na dapat nating tahakin. Inasahan ng mga Pariseo noong panahon ni Jesus ang pagdating ng Mesiyas, ngunit nabigo silang pakinggan ang tinig ng Diyos, kung kaya, noong ang Panginoong Jesus ay nagpakita at gumawa tulad ng Anak ng tao, nilimitahan nila ang Diyos batay sa kanilang mga sariling nosyon at imahinasyon. Kahit narinig nilang nagsalita ang Panginoon at nalalamang ang Kanyang mga salita ay hindi maaaring masambit ng tao, tumanggi pa rin silang tanggapin ang mga ito at piniling kumiling sa kanilang mga sariling nosyon at imahinasyon. Nilabanan at tinuligsa nila ang Panginoong Jesus, at sa huli ay ipinapako sa krus ang Panginoong Jesus, na nagdulot ng pagkagalit sa disposisyon ng Diyos, at pinagdusahan ng Israel ang sakit ng pambansang pagkalupig. Ang kabiguang ito ng mga Pariseo ay nagsisilbing babala sa atin. Ako mismo ay naging ignorante, palaging nakakiling sa ideya na darating ang Panginoon nang nasa puting alapaap. Kung hindi dahil sa ating pagbabahagian ngayong araw, marahil ay patuloy akong nakakiling nang mahigpit sa aking mga nosyon tulad ng ginawa ng mga Pariseo. Hindi na ako magmamasid sa langit. Sa halip, kailangan kong tumuon sa pakikinig sa tinig ng Diyos, dahil doon lamang ako magkakaroon ng pagkakataong salubungin ang pagbabalik ng Panginoon."
............
Lumipas ang umaga patungong hapon nang hindi ko namamalayan. Pauwi sa bahay, panaka-naka akong napapatingin sa langit at nakita ko ang mga puting alapaap na nagdaraan. Mayroon akong di-maipahayag na damdamin sa aking puso, at naisip ko sa aking sarili: Hindi na ako magmamasid sa langit. Kailangan kong maging matalinong dalaga, at kung ipangaral ng simbahan na nagbalik na ang Panginoon at na ipinahahayag Niya ang katotohanan, ako ay tutuon sa pakikinig sa tinig ng Diyos. Sa ganitong paraan ko lamang magagawang salubungin ang pagpapakita ng Panginoon at sa ganitong paraan lamang ako maaaring muling buhayin sa kaharian ng langit ...