Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangang sundin mo ang Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod diyan, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapakitunguhan, madisiplina, at mahatulan, kung ang kaya mo lamang ay magpakasaya sa Diyos ngunit hindi mo nararamdaman ang pagdidisiplina o pakikitungo sa iyo ng Diyos-hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, nagagawa mong manindigan, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay hindi tumitigil kailanman at walang katapusan. Ang tingin ng mga tao sa paniniwala sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling makatamo sila ng ilang praktikal na karanasan, napagtatanto nila na ang paniniwala sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas titindi ang kanilang pagmamahal sa Diyos, at nabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang kalooban. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang paglago ng kanilang pagmamahal sa Diyos, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanilang kalooban. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas lalago ang kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, may makikita kang mga tao na nagdurusa nang malaki kapag sila ay pinipino, na pinakikitunguhan at dinidisiplina nang husto, at makikita mo na ang mga taong iyon ang may matinding pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na kaalaman tungkol sa Diyos. Yaong mga hindi pa nakaranas na mapakitunguhan ay mababaw lamang ang kaalaman, at ang masasabi lamang ay: "Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang magpakasaya sila sa Kanya." Kung naranasan ng mga tao na mapakitunguhan at madisiplina, nagagawa nilang talakayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi ito tumatagos sa iyo at mas hindi ito kaayon ng iyong mga pagkaintindi, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas matindi ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas matindi ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Sa mga huling araw, ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos ay magwawakas. Talaga bang madali iyong magwawakas? Kapag nalupig na Niya ang sangkatauhan, tapos na ba ang Kanyang gawain? Ganoon ba iyon kasimple? Iniisip ng mga tao na ganoon nga iyon kasimple, ngunit ang ginagawa ng Diyos ay hindi napakasimple. Anumang bahagi ng gawain ng Diyos ang gusto mong banggitin, lahat ay hindi maarok ng tao. Kung nagawa mong arukin ito, mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay di-maarok; lubos itong salungat sa iyong mga pagkaintindi, at kapag mas hindi ito kaayon ng iyong mga pagkaintindi, mas ipinakikita nito na makabuluhan ang gawain ng Diyos; kung kaayon ito ng iyong mga pagkaintindi, mawawalan ito ng kabuluhan. Ngayon, nadarama mo na ang gawain ng Diyos ay lubhang kamangha-mangha, at kapag mas kamangha-mangha ito sa pakiramdam mo, mas nadarama mo na ang Diyos ay di-maarok, at nakikita mo kung gaano kadakila ang mga gawa ng Diyos. Kung ang tanging ginawa Niya ay mababaw at padalus-dalos na gawain upang lupigin ang tao at wala na Siyang ibang ginawa pagkatapos, mawawalan ng kakayahan ang tao na mamasdan ang kabuluhan ng gawain ng Diyos. Bagama't tumatanggap ka ngayon ng kaunting pagpipino, malaki ang pakinabang nito sa iyong paglago sa buhay; kaya't napakahalagang dumanas ka ng gayong paghihirap. Ngayon, tumatanggap ka ng kaunting pagpipino, ngunit pagkatapos ay tunay mong mamamalas ang mga gawa ng Diyos, at sasabihin mo sa huli: "Lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos!" Ito ang sasambitin ng puso mo. Dahil naranasan nila sandali ang pagpipino ng Diyos (ang pagsubok sa mga tagasilbi at ang panahon ng pagkastigo), sinabi ng ilang tao sa huli: "Mahirap talagang maniwala sa Diyos!" Ang katotohanan na ginamit nila ang mga salitang, "mahirap talaga," ay nagpapakita na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang gawain ng Diyos ay may dakilang kabuluhan at halaga, at na ang Kanyang gawain ay lubhang karapat-dapat na pahalagahan ng tao. Kung, pagkatapos Kong gumawa ng napakaraming gawain, wala ka ni katiting na kaalaman, magkakaroon pa ba ng halaga ang Aking gawain? Sasabihin mo dahil dito na: "Mahirap talagang maglingkod sa Diyos, lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos, at talagang matalino ang Diyos! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig!" Kung, matapos sumailalim sa isang panahon ng karanasan, nagagawa mong sabihin ang mga salitang iyon, pinatutunayan nito na natamo mo na ang gawain ng Diyos sa iyong kalooban. Balang araw, habang ipinalalaganap mo ang ebanghelyo sa ibang bansa at may nagtanong sa iyo: "Kumusta ang pananampalataya mo sa Diyos?" masasabi mong: "Ang mga kilos ng Diyos ay lubhang kagila-gilalas!" Madarama niya na ang iyong mga salita ay nagkukuwento ng mga tunay na karanasan. Ito ang tunay na pagpapatotoo. Sasabihin mo na puno ng karunungan ang gawain ng Diyos, at ang Kanyang gawain sa iyo ay totoong nakakumbinsi sa iyo at nakalupig sa puso mo. Palagi mo Siyang mamahalin dahil higit pa Siya sa karapat-dapat sa pagmamahal ng sangkatauhan! Kung masasabi mo ang mga bagay na ito, maaantig mo ang puso ng mga tao. Lahat ng ito ay pagpapatotoo. Kung nagagawa mong magbigay ng matunog na patotoo, na paluhain ang mga tao, ipinakikita nito na talagang isa kang taong nagmamahal sa Diyos, sapagkat nagagawa mong patotohanan na mahal mo ang Diyos, at sa pamamagitan mo, mapapatotohanan ang mga kilos ng Diyos. Sa iyong patotoo, nahihikayat ang iba na hangarin ang gawain ng Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, at sa anumang sitwasyong nararanasan nila, magagawa nilang manindigan. Ito lamang ang tunay na paraan ng pagpapatotoo, at ito mismo ang ipinagagawa sa iyo ngayon. Dapat mong makita na lubhang mahalaga ang gawain ng Diyos at karapat-dapat itong pahalagahan ng mga tao, na ang Diyos ay lubhang katangi-tangi at sagana; hindi lamang Siya nakapagsasalita, kundi nahahatulan din Niya ang mga tao, napipino ang kanilang puso, nadudulutan sila ng kagalakan, nakakamit sila, nalulupig sila, at nagagawa silang perpekto. Mula sa iyong karanasan makikita mo na ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig. Kaya gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? Masasabi mo ba talaga ang mga bagay na ito nang taos-puso? Kapag nagagawa mong ipahayag ang mga salitang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, magagawa mong magpatotoo. Kapag nakaabot na sa antas na ito ang iyong karanasan makakaya mong maging isang saksi para sa Diyos, at magiging karapat-dapat ka. Kung hindi ka umaabot sa antas na ito sa iyong karanasan, napakalayo mo pa rin. Normal para sa mga tao na magpakita ng mga kahinaan sa proseso ng pagpipino, ngunit pagkatapos ng pagpipino dapat mong masabi na: "Napakatalino ng Diyos sa Kanyang gawain!" Kung tunay na nagagawa mong magtamo ng praktikal na pagkaunawa sa mga salitang ito, ito ay magiging katangi-tangi sa iyo, at ang iyong karanasan ay magkakaroon ng halaga.
Ano ang dapat mong hangarin ngayon? Kaya mo mang magpatotoo para sa gawain ng Diyos o hindi, nagagawa mo mang maging isang patotoo at isang pagpapakita ng Diyos o hindi, at angkop ka mang kasangkapanin Niya o hindi-ito ang mga bagay na dapat mong hangarin. Gaano karaming gawain ba ang talagang nagawa sa iyo ng Diyos? Gaano karami ba ang iyong nakita, gaano karami ang iyong nahawakan? Gaano karami ang iyong naranasan, at natikman? Nasubok ka man, napakitunguhan, o nadisiplina ng Diyos, naisagawa sa iyo ang Kanyang mga kilos at gawain. Ngunit bilang isang mananampalataya sa Diyos at bilang isang taong handang hangarin na magawa Niyang perpekto, nagagawa mo bang magpatotoo para sa gawain ng Diyos batay sa iyong praktikal na karanasan? Maisasabuhay mo ba ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng iyong praktikal na karanasan? Nagagawa mo bang maglaan para sa iba sa pamamagitan ng iyong sariling praktikal na karanasan, at gugulin ang iyong buong buhay sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, kaalaman, at sakripisyong nagawa. Saka mo lamang mapapalugod ang Kanyang kalooban. Ikaw ba ay isang taong nagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Mayroon ka bang ganitong hangarin? Kung nagagawa mong magpatotoo sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang gawain, at kung naisasabuhay mo ang larawang kinakailangan Niya sa Kanyang mga tao, isa kang saksi para sa Diyos. Paano ka ba talaga nagpapatotoo sa Diyos? Ginagawa mo ito sa pamamagitan ng paghahangad at pananabik na isabuhay ang salita ng Diyos, at, sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng iyong mga salita, pagtutulot sa mga tao na malaman ang Kanyang gawain at makita ang Kanyang mga kilos. Kung tunay mong hinahangad ang lahat ng ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinakahuli, hindi dalisay ang pananaw ng iyong pananampalataya sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ibinubunyag Niya sa iyo ang Kanyang kalooban, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo kung paano ka Niya dinidisiplina at pinakikitunguhan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay para lamang makabahagi ka sa kaluwalhatian ng Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga kinakailangan ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hinihiling, at maranasan ang gawaing Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o kalungkutan, kailangan mong maranasan ang lahat ng ito sa iyong pagsasagawa. Layon nitong gawin kang perpekto bilang isang taong nagpapatotoo para sa Diyos. Ano nga ba, talaga, ang pumipilit sa iyo ngayon na magdusa at maghangad na magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang pagdurusa ay alang-alang talaga sa pagmamahal sa Diyos at pagpapatotoo para sa Kanya? O alang-alang sa mga pagpapala ng laman, para sa iyong mga inaasam sa hinaharap at kapalaran? Lahat ng layunin, pangganyak, at mithiing hinahangad mong matamo ay kailangang maituwid at hindi maaaring gabayan ng iyong sariling kalooban. Kung hinahangad ng isang tao na magawang perpekto upang tumanggap ng mga pagpapala at maghari nang may kapangyarihan, samantalang hinahangad ng isa pang tao na magawang perpekto upang mapalugod ang Diyos, upang magbigay ng praktikal na patotoo sa gawain ng Diyos, alin sa dalawang paraang ito ng paghahangad ang pipiliin mo? Kung pipiliin mo ang una, napakalayo mo pa rin sa mga pamantayan ng Diyos. Sinabi Kong minsan na mahahayag sa buong sansinukob ang Aking mga kilos at na Ako ay mamamahala bilang Hari sa sansinukob. Sa kabilang dako, ang naipagkatiwala sa inyo ay ang lumabas upang magpatotoo sa gawain ng Diyos, hindi upang maging mga hari at magpakita sa buong sansinukob. Hayaang punuin ng mga gawa ng Diyos ang buong kosmos at kalangitan. Hayaang makita at kilalanin ng lahat ang mga ito. Binabanggit ang mga salitang ito patungkol sa Diyos Mismo, at ang dapat gawin ng mga tao ay ang magpatotoo para sa Diyos. Gaano karami na ngayon ang alam mo tungkol sa Diyos? Gaano karami na ang mapapatotohanan mo tungkol sa Diyos? Ano ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao? Kapag naunawaan mo na ang kalooban ng Diyos, paano ka dapat magpakita ng konsiderasyon sa Kanyang kalooban? Kung handa kang magawang perpekto at magpatotoo sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng iyong isinasabuhay, kung ito ang nag-uudyok sa iyo, walang napakahirap gawin. Ang kailangan ng mga tao ngayon ay pananampalataya. Kung ito ang nag-uudyok sa iyo, madaling pakawalan ang anumang pagkanegatibo, pagkabalintiyak, katamaran at mga pagkaintindi ng laman, mga pilosopiya sa buhay, masuwaying disposisyon, mga emosyon, at iba pa.
Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano't anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama't mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga pagkaintindi. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung wala kang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananampalataya, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat. Kapag nananampalataya kang makikita mo ang Kanyang mga kilos sa iyong praktikal na karanasan, magpapakita sa iyo ang Diyos, at liliwanagan at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananampalatayang iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananampalataya at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananampalataya sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya liliwanagan at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Nakakamtan lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananampalataya. Ano ang tinutukoy ng salitang "pananampalataya"? Ang pananampalataya ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga pagkaintindi ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananampalatayang binabanggit Ko. Kailangang manampalataya ang mga tao sa mga panahon ng paghihirap at pagpipino, at ang pananampalataya ay isang bagay na sinusundan ng pagpipino; hindi mapaghihiwalay ang pagpipino at pananampalataya. Paano man gumawa ang Diyos, at anuman ang iyong sitwasyon, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, at hangaring makaalam tungkol sa gawain ng Diyos, at magkaroon ng pag-unawa sa Kanyang mga kilos, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ang paggawa nito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, at ang paggawa nito ay nagpapakita na hindi ka nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Magkakaroon ka lamang ng tunay na pananampalataya sa Diyos kung nagagawa mong piliting hangarin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpipino, kung nagagawa mong tunay na mahalin ang Diyos at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, kung isinasagawa mo pa rin ang katotohanan anuman ang gawin Niya upang mapalugod Siya, at kung nagagawa mong hangarin nang taos-puso ang Kanyang kalooban at isaalang-alang ang Kanyang kalooban. Noong araw, nang sinabi ng Diyos na mamumuno ka bilang isang hari, minahal mo Siya, at nang hayagan Siyang magpakita sa iyo, sinundan mo Siya. Ngunit ngayon nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at nagkaroon ka ng mga problema-nawawalan ka na ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya nga, kailangan mong hangarin ang buhay at hangaring mapalugod ang kalooban ng Diyos sa lahat ng oras. Ang tawag dito ay tunay na pananampalataya, at ito ang pinakatunay at pinakamagandang uri ng pagmamahal.
Noong araw, lahat ng tao ay humaharap sa Diyos para gawin ang kanilang mga pagpapasya, at sinasabing: "Kahit wala nang ibang nagmamahal sa Diyos, kailangan ko Siyang mahalin." Ngunit ngayon, sumasapit sa iyo ang pagpipino, at dahil hindi ito nakaayon sa iyong mga pagkaintindi, nawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos. Tunay na pagmamahal ba ito? Nabasa mo na nang maraming beses ang mga gawa ni Job-nalimutan mo na ba ang mga iyon? Ang tunay na pagmamahal ay nabubuo lamang kapag may pananampalataya. Nagkakaroon ka ng tunay na pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng mga pagpipinong pinagdaraanan mo, at sa pamamagitan ng iyong pananampalataya ay nagagawa mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos sa iyong mga praktikal na karanasan, at sa pamamagitan din ng pananampalataya ay tinatalikdan mo ang iyong sariling laman at hinahangad mo ang buhay; ito ang dapat gawin ng mga tao. Kung gagawin mo ito, makikita mo ang mga kilos ng Diyos, ngunit kung wala kang pananampalataya, hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos o mararanasan ang Kanyang gawain. Kung gusto mong kasangkapanin ka at magawang perpekto ng Diyos, kailangan mong taglayin ang lahat: ang kahandaang magdusa, pananampalataya, pagtitiis, pagsunod, at kakayahang maranasan ang gawain ng Diyos, maunawaan ang Kanyang kalooban, maisaalang-alang ang Kanyang pighati, at iba pa. Hindi madaling gawing perpekto ang isang tao, at bawat isang pagpipinong nararanasan mo ay nangangailangan ng iyong pananampalataya at pagmamahal. Kung gusto mong magawang perpekto ng Diyos, hindi sapat ang magmadali lamang sa landas, ni sapat ang gugulin lamang ang iyong sarili para sa Diyos. Kailangan kang magtaglay ng maraming bagay upang maging isang tao na ginagawang perpekto ng Diyos. Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama't maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa anumang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang talikdan ang laman. Dapat ay handa kang magtiis ng personal na mga paghihirap at magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang mapalugod ang kalooban ng Diyos. Kailangan mo ring magkaroon ng kakayahang taos na magsisi tungkol sa iyong sarili: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito-sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga pangangailangang ito, hindi ka magagawang perpekto.
Ang isang taong naglilingkod sa Diyos ay hindi lamang dapat malaman kung paano magdusa para sa Kanya; higit pa riyan, dapat niyang maunawaan na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang hangaring mahalin ang Diyos. Kinakasangkapan ka ng Diyos hindi lamang para pinuhin ka o para pagdusahin ka, kundi sa halip ay kinakasangkapan ka Niya upang malaman mo ang Kanyang mga kilos, malaman mo ang tunay na kabuluhan ng buhay ng tao, at lalo na, upang malaman mo na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi madaling gawin. Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamasa ng biyaya, kundi sa halip ay tungkol sa pagdurusa para sa iyong pagmamahal sa Kanya. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, kailangan mo ring matamasa ang Kanyang pagkastigo; kailangan mong maranasan ang lahat ng ito. Mararanasan mo ang kaliwanagan ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin kung paano ka Niya pinakikitunguhan at hinahatulan. Sa ganitong paraan, ang iyong karanasan ay magiging malawak. Naisagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo sa iyo. Napakitunguhan ka na ng salita ng Diyos, ngunit hindi lamang iyan; naliwanagan at natanglawan ka rin nito. Kapag ikaw ay negatibo at mahina, nag-aalala ang Diyos para sa iyo. Lahat ng gawaing ito ay upang ipaalam sa iyo na lahat ng tungkol sa tao ay nasa loob ng mga pagsasaayos ng Diyos. Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong kahilingan, pag-asa, at pagkaintindi. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihiling ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang kinakailangan, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang Kanyang kalooban sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at napakasamang disposisyon ng mga tao. Dahil naiwaksi na ang lahat ng karumihan at kasamaan sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling layon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananampalataya sa Diyos-sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong paniniwala sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang paniniwala sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na makasunod sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring relihiyosong pagkaintindi na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at nais mong sagipin ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa-lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon at hindi sila naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananampalatayang nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong pananalig; hindi iyan tunay na pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at kahandaang isuko ang kanilang sarili. Hangga't hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kundisyong ito, walang bisa ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos.
Kapag sumapit sa iyo ang mga pagsubok, paano mo iaangkop ang gawain ng Diyos sa pagharap sa mga pagsubok na iyon? Magiging negatibo ka ba o mauunawaan mo ang pagsubok at pagpipino ng Diyos sa tao mula sa isang positibong aspeto? Ano ang iyong makakamtan sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Lalago ba ang iyong pagmamahal sa Diyos? Kapag ikaw ay sumailalim sa pagpipino, maiaangkop mo ba ang mga pagsubok kay Job at masigasig na magiging abala sa gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo? Nakikita mo ba kung paano sinusubok ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga pagsubok kay Job? Anong klaseng inspirasyon ang hatid sa iyo ng mga pagsubok kay Job? Magiging handa ka bang tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng iyong mga pagpipino, o nanaisin mo bang mapalugod ang laman sa isang komportableng sitwasyon? Ano ba talaga ang iyong pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Talaga bang para iyon sa Kanya, at hindi para sa laman? Talaga bang may nilalayon kang matamo sa iyong paghahangad? Handa ka bang sumailalim sa mga pagpipino upang magawa kang perpekto ng Diyos, o mas gusto mong makastigo at maisumpa ng Diyos? Ano ba talaga ang iyong pananaw tungkol sa pagpapatotoo para sa Diyos? Ano ang dapat gawin ng mga tao sa ilang sitwasyon upang tunay na magpatotoo para sa Diyos? Yamang maraming naihayag ang praktikal na Diyos sa Kanyang aktuwal na gawain sa iyo, bakit lagi mong naiisip na umalis? Para sa Diyos ba ang paniniwala mo sa Diyos? Para sa karamihan sa inyo, ang inyong paniniwala ay bahagi ng isang kalkulasyong ginagawa ninyo para sa inyong sarili, para sa inyong sariling personal na pakinabang. Napakakaunti ng mga taong naniniwala sa Diyos para sa Diyos; hindi ba ito pagiging suwail?
Ang layunin ng gawaing pagpipino una sa lahat ay upang gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao. Sa huli, ang nakamtan ay na nais mong umalis ngunit, kasabay nito, hindi mo magawa; nagagawa pa ring manampalataya ng ilang tao kahit wala sila ni katiting na pag-asa; at ni hindi na umaasa man lang ang mga tao hinggil sa kanilang sariling mga inaasam sa hinaharap. Sa panahong ito lamang matatapos ang pagpipino ng Diyos. Hindi pa rin nakakarating ang tao sa yugtong mabitin sa pagitan ng buhay at kamatayan, at hindi pa nila natitikman ang kamatayan, kaya hindi pa tapos ang proseso ng pagpipino. Maging yaong mga nasa hakbang ng mga tagasilbi ay hindi pa lubos na napipino. Matindi ang pagpipinong pinagdaanan ni Job, at wala siyang nasandigan. Kailangang sumailalim sa mga pagpipino ang mga tao hanggang sa puntong wala na silang pag-asa at wala nang masandigan-ito lamang ang tunay na pagpipino. Sa panahon ng mga tagasilbi, kung palaging tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at anuman ang Kanyang ginawa at anuman ang Kanyang kalooban noon para sa iyo, sinunod mo palagi ang Kanyang mga plano, sa dulo ng landas ay mauunawaan mo ang lahat ng nagawa ng Diyos. Sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Job, at kasabay nito ay sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Pedro. Noong sinubok si Job, tumayo siyang saksi, at sa huli, ipinakita sa Kanya si Jehova. Pagkatapos niyang tumayong saksi, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: "Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit ipinakikita Ko ang Aking Sarili sa banal na kaharian"? Ibig sabihin niyan ay kapag ikaw ay banal at tumatayong saksi, saka ka lamang magkakaroon ng dangal na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makatayong saksi para sa Kanya, wala kang dangal para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang tumayong saksi para sa Kanya at pinagtatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman at hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, tatayo kang saksi. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino kahit paano at kaya mo pa ring maging katulad ni Job, na lubos na masunurin sa harap ng Diyos at walang ibang mga kinakailangan sa Kanya o sarili mong mga pagkaintindi, magpapakita sa iyo ang Diyos. Ngayon ay hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos dahil napakarami mong sariling mga pagkaintindi, personal na pagkiling, makasariling ideya, indibiduwal na pangangailangan at interes ng laman, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga pagkaintindi, at dahil doon, ipapako mo Siya sa krus. Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga pagkaintindi ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng kaalaman tungkol sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong pusong nagmamahal sa Diyos, ito ay pagtayong saksi. Kung mapayapa ang iyong tahanan, natatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang umuusig sa iyo, at sinusunod ka ng iyong mga kapatid sa iglesia, maipapakita mo ba ang iyong pusong nagmamahal sa Diyos? Mapipino ka ba ng sitwasyong ito? Makikita ang iyong pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagpipino, at magagawa kang perpekto sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi nakaayon sa iyong mga pagkaintindi. Sa pamamagitan ng maraming salungat at negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapakita ni Satanas-mga kilos nito, mga paratang, mga paggambala at panlilinlang-malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang nakakatakot na mukha ni Satanas, at sa gayo'y ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at talikuran ito.
Ang maraming karanasan mo sa kabiguan, kahinaan, mga panahon ng iyong pagiging negatibo, ay masasabi na pawang mga pagsubok ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng bagay at pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay. Mabigo ka man o manghina at magkamali, nakasalalay ang lahat sa Diyos at abot-kamay Niya. Mula sa pananaw ng Diyos, isang pagsubok ito sa iyo, at kung hindi mo mapapansin iyon, magiging tukso iyon. May dalawang klase ng kalagayang dapat mapansin ng mga tao: Ang isa ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at ang malamang na pinagmumulan ng isa pa ay si Satanas. Ang isa ay isang kalagayan kung saan tinatanglawan ka ng Banal na Espiritu at tinutulutan kang makilala ang iyong sarili, mamuhi at magsisi tungkol sa iyong sarili at magkaroon ng tunay na pagmamahal para sa Diyos, na italaga ang iyong puso sa pagpapalugod sa Kanya. Ang isa pa ay isang kalagayan kung saan kilala mo ang iyong sarili, ngunit negatibo ka at mahina. Maaaring sabihin na ang kalagayang ito ay ang pagpipino ng Diyos, at na panunukso rin ito ni Satanas. Kung napapansin mo na ito ang pagliligtas sa iyo ng Diyos at kung nadarama mo na malaki na ang iyong pagkakautang sa Kanya, at kung magmula ngayon ay susubukan mong suklian Siya at hindi ka na mahulog sa gayong kasamaan, kung ibubuhos mo ang iyong pagsisikap sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, at kung palagi mong ituturing ang iyong sarili na may kakulangan, at may isang pusong nananabik, pagsubok nga ito ng Diyos. Kapag nagwakas na ang pagdurusa at sumusulong ka nang muli, aakayin, tatanglawan, liliwanagan, at pangangalagaan ka pa rin ng Diyos. Ngunit kung hindi mo ito napapansin at negatibo ka, na basta na lamang hinahayaang mawalan ka ng pag-asa, kung nag-iisip ka sa ganitong paraan, sumapit na sa iyo ang panunukso ni Satanas. Nang sumailalim si Job sa mga pagsubok, nagpustahan ang Diyos at si Satanas, at pinayagan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job. Kahit na ang Diyos ang sumusubok kay Job, si Satanas talaga ang lumukob sa kanya. Para kay Satanas, panunukso iyon kay Job, ngunit nasa panig ng Diyos si Job. Kung hindi nagkagayon, natukso na sana si Job. Sa sandaling matukso ang mga tao, nahuhulog sila sa panganib. Ang pagdaan sa pagpipino ay masasabing isang pagsubok mula sa Diyos, ngunit kung hindi mabuti ang kalagayan mo, masasabing panunukso ito mula kay Satanas. Kung hindi malinaw sa iyo ang pangitain, pagbibintangan ka ni Satanas at ikukubli ka sa aspeto ng pangitain. Bago mo pa malaman, matutukso ka na.
Kung hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi ka kailanman magagawang perpekto. Sa iyong karanasan, kailangan mo ring pumasok sa mga detalye. Halimbawa, anong mga bagay ang naghihikayat sa iyo na bumuo ng mga pagkaintindi at labis-labis na mga motibo, at anong klase ng mga angkop na pagsasagawa ang mayroon ka para lutasin ang mga problemang ito? Kung nararanasan mo ang gawain ng Diyos, nangangahulugan ito na maganda ang iyong tayog. Kung mukha ka lamang may lakas, hindi ito tunay na tayog at tiyak na hindi mo magagawang manindigan. Kapag nagagawa ninyong maranasan ang gawain ng Diyos at nagagawa ninyong maranasan at pagnilayan ito anumang oras at saanmang lugar, kapag nagagawa ninyong iwan ang mga pastol, at magsarili sa buhay na nakaasa sa Diyos, at nagagawa ninyong makita ang aktuwal na mga kilos ng Diyos-saka lamang matutupad ang kalooban ng Diyos. Sa ngayon, hindi alam ng karamihan sa mga tao kung paano dumanas, at kapag nagkakaroon sila ng problema, hindi nila alam kung paano nila ito haharapin; hindi nila kayang maranasan ang gawain ng Diyos, at hindi sila makapamuhay ng espirituwal na buhay. Kailangan mong tanggapin ang mga salita at gawain ng Diyos sa iyong praktikal na buhay.
Kung minsan binibigyan ka ng Diyos ng isang uri ng damdamin, isang damdaming nagsasanhi na mawala ang kagalakan ng iyong kalooban at ang presensya ng Diyos, kaya nakasadlak ka sa kadiliman. Isang uri ito ng pagpipino. Tuwing may ginagawa kang anuman, lagi itong nagugulo, o hindi ka makausad. Pagdidisiplina ito ng Diyos. Kung minsan, kapag matigas ang ulo mo at sumusuway ka sa Diyos, maaaring walang ibang nakakaalam niyon-ngunit alam iyon ng Diyos. Hindi ka makakaligtas sa Kanyang parusa, at didisiplinahin ka Niya. Napakadetalyado ng gawain ng Banal na Espiritu. Buong ingat Niyang pinagmamasdan ang bawat salita at kilos ng mga tao, bawat kilos at galaw, at bawat kaisipan at ideya nila upang magkaroon ng kamalayan ang mga tao sa kanilang sarili tungkol sa mga bagay na ito. May ginawa kang minsan at naging magulo iyon, ginawa mo ulit at naging magulo ulit iyon, at unti-unti mong mauunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa maraming beses na nadisiplina ka, malalaman mo kung ano ang gagawin upang umayon sa kalooban ng Diyos at kung ano ang hindi naaayon sa Kanyang kalooban. Sa huli, magkakaroon ka ng tumpak na mga tugon sa paggabay ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kung minsan magiging suwail ka at sasawayin ka ng Diyos sa iyong kalooban. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagdidisiplina ng Diyos. Kung hindi mo pinahahalagahan ang salita ng Diyos, kung minamaliit mo ang Kanyang gawain, hindi ka Niya papansinin. Kapag lalo mong sineseryoso ang mga salita ng Diyos, lalo ka Niyang liliwanagan. Ngayon mismo, may ilang tao sa iglesia na magulo at nalilito ang pananampalataya, at marami silang ginagawang di-angkop at kumikilos sila nang walang disiplina, kaya't ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi malinaw na nakikita sa kanila. Ang ilang tao ay iniiwanan ang kanilang mga tungkulin para kumita ng pera, lumalabas para magpatakbo ng negosyo nang hindi nadidisiplina; mas nanganganib ang gayong klaseng tao. Hindi lamang kasalukuyang wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, kundi sa hinaharap, mahirap silang magawang perpekto. Maraming tao na hindi kinakikitaan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng pagdidisiplina ng Diyos. Sila yaong ang kalooban ng Diyos ay hindi malinaw sa kanila at hindi nila alam ang Kanyang gawain. Ayos lang yaong mga kayang manindigan nang matatag sa gitna ng mga pagpipino, na sumusunod sa Diyos anuman ang Kanyang gawin, at nagagawa kahit paano na hindi umalis, o nagagawa ang 0.1% ng nagawa ni Pedro, ngunit wala silang halaga para kasangkapanin ng Diyos. Maraming taong agad na nakakaunawa sa mga bagay-bagay, may tunay na pagmamahal para sa Diyos, at nahihigitan ang antas ni Pedro, at ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa kanila. Sumasapit sa gayong mga tao ang pagdidisiplina at kaliwanagan, at kung may anuman sa kanila na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, kaya nilang alisin iyon kaagad. Ang gayong mga tao ay ginto, pilak, at mahahalagang bato-napakalaki ng kanilang halaga! Kung nakagawa ang Diyos ng maraming uri ng gawain ngunit para ka pa ring buhangin o bato, wala kang halaga!
Kagila-gilalas at di-maarok ang gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Gagawin Niyang perpekto ang isang grupo ng mga tao at aalisin ang ilang iba pa, sapagkat lahat ng uri ng mga tao ay nasa iglesia-mayroong mga nagmamahal sa katotohanan, at mayroong hindi; mayroong mga dumaranas ng gawain ng Diyos, at mayroong hindi; mayroong gumagawa ng kanilang tungkulin, at mayroong hindi; mayroong mga nagpapatotoo para sa Diyos, at mayroong hindi-at ang ilan sa kanila ay mga walang pananampalataya at masasamang tao, at tiyak na aalisin sila. Kung hindi mo malinaw na nalalaman ang gawain ng Diyos, magiging negatibo ka; ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay makikita lamang sa iilang tao. Sa pagkakataong ito, magiging malinaw kung sino ang tunay na nagmamahal sa Diyos at sino ang hindi. Yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos ay may gawain ng Banal na Espiritu, samantalang yaong mga hindi tunay na nagmamahal sa Kanya ay mabubunyag sa bawat hakbang ng Kanyang gawain. Sila ang magiging mga pakay ng pag-aalis. Mabubunyag ang mga taong ito sa pagpapatuloy ng gawain ng panlulupig, at sila ay mga taong walang halaga para gawing perpekto. Yaong mga nagawang perpekto ay nakamit na ng Diyos sa kanilang kabuuan, at may kakayahang mahalin ang Diyos tulad ni Pedro. Yaong mga nalupig ay walang kusang pagmamahal, kundi balintiyak na pagmamahal lamang, at sapilitan nilang minamahal ang Diyos. Yumayabong ang likas na pagmamahal sa pamamagitan ng pag-unawang nakamtan sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Saklaw ng pagmamahal na ito ang puso ng tao at hinihikayat sila nito na kusang maging tapat sa Diyos; nagiging pundasyon nila ang mga salita ng Diyos at nagagawa nilang magdusa para sa Diyos. Mangyari pa, ito ay mga bagay na taglay ng isang tao na nagawang perpekto ng Diyos. Kung ang hinahangad mo lamang ay ang malupig, hindi ka maaaring magpatotoo para sa Diyos; kung nakakamtan lamang ng Diyos ang Kanyang mithiing magligtas sa pamamagitan ng paglupig sa mga tao, matatapos ang trabaho sa hakbang ng mga tagasilbi. Gayunman, ang paglupig sa mga tao ay hindi ang huling mithiin ng Diyos, na ang gawing perpekto ang mga tao. Kaya sa halip na sabihing ang yugtong ito ang gawain ng panlulupig, sabihing ito ang gawain ng pagpeperpekto at pag-aalis. Hindi pa lubos na nalulupig ang ilang tao, at habang nilulupig sila, isang grupo ng mga tao ang magagawang perpekto. Ang dalawang pirasong ito ng gawain ay isinasakatuparan nang sabay. Hindi pa umaalis ang mga tao kahit sa loob ng napakahabang panahon ng gawain, at ipinakikita nito na ang mithiing manlupig ay nakamtan na-isang katunayan ito ng pagiging nalupig. Ang mga pagpipino ay hindi para malupig, kundi para magawang perpekto. Kung wala ang mga pagpipino, hindi magagawang perpekto ang mga tao. Kaya napakahalaga talaga ng mga pagpipino! Ngayon isang grupo ng mga tao ang ginagawang perpekto at nakakamit. Ang sampung pagpapalang binanggit dati ay inilaang lahat sa mga nagawang perpekto. Lahat ng tungkol sa pagbabago ng kanilang larawan sa lupa ay inilalaan sa mga nagawang perpekto. Yaong mga hindi nagawang perpekto ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pangako ng Diyos.
Ang hindi maiiwan ng mga Kristiyano sa araw-araw ay ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang pahina ng Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw ay inirerekomenda sa iyo. Maraming mga salita ng Diyos sa pahinang ito. Mangyaring i-click at basahin: Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw
Rekomendasyon:
• Ano ang kahulugan ng pananampalataya
• Paano Umasa sa Diyos at Magpatotoo Kapag Tinukso ni Satanas