Paano malalaman ng isang tao ang banal na diwa ni Cristo?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
"Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita" (Juan 14:6-7).
"Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin" (Juan 14:10-11).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang pag-aralan ang ganoong bagay ay hindi mahirap, ngunit kinakailangan ng bawat isa sa atin na malaman ang katotohanang ito: Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay magkakaroon ng diwa ng Diyos, at Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ang magkakaroon ng pagpapahayag ng Diyos. Yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ilalahad Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ng buhay ang tao, at ipakita sa tao ang daan. Ang katawan na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Para masiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan itong matukoy ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy mula sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy[a] kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay bigyang-pansin ang Kanyang diwa (Kanyang gawa, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang iba), sa halip na ang panlabas na anyo. Kung ang nakikita lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi niya napapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan ang kamangmangan at kawalang-muwang ng tao.
-mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pagkilala sa Diyos ay dapat gawin sa pamamagitan ng pagbasa at pag-unawa sa salita ng Diyos, pagsasagawa at pagdanas ng salita ng Diyos. Sinasabi ng ilan: "Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko makikilala ang Diyos?" Sa katunayan, ang salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos ay nakikita mo ang pag-ibig ng Diyos at pagliligtas para sa sangkatauhan, at Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila.... Ito ay dahil ang salita ng Diyos ay inihahayag ng Diyos Mismo kasalungat sa paggamit sa tao para isulat ito. Ito ay personal na inihahayag ng Diyos-inihahayag Niya ang sarili Niyang mga salita at Kanyang panloob na tinig. Bakit sinasabi na ang mga ito ay mga taos-pusong salita? Dahil ang mga ito'y nanggagaling sa kaibuturan, inihahayag ang Kanyang disposisyon, Kanyang kalooban, Kanyang mga iniisip, Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan.... Kasama sa mga salita ng Diyos ay masasakit na salita, banayad at may pagsasaalang-alang na mga salita, at may ilang salitang nagbubunyag na hindi naaayon sa mga pantaong pagnanais. Kung titingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, mararamdaman mo na ang Diyos ay medyo mahigpit. Kung titingnan mo lamang ang mga banayad na salita, mararamdaman mo na walang masyadong awtoridad ang Diyos. Kaya, hindi mo dapat kuhanin ito nang wala sa konteksto, kundi tingnan ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan nagsasalita ang Diyos mula sa isang banayad at mahabaging pananaw, at nakikita ng mga tao ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan; kung minsan nagsasalita Siya mula sa isang istriktong pananaw, at nakikita ng mga tao ang disposisyon ng Diyos na hindi kukunsinti sa kasalanan. Ang tao'y kalunus-lunos sa karumihan at hindi karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o humarap sa Diyos. Na nakakaharap ngayon sa Diyos ang mga tao ay tanging sa biyaya ng Diyos. Nakikita ang karunungan ng Diyos mula sa Kanyang paraan ng paggawa at sa kahulugan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa salita ng Diyos kahit hindi tuwirang nakikipag-ugnayan sa Kanya. Kapag ang sinumang may tunay na pagkaunawa sa Diyos ay nakikipag-ugnayan kay Cristo, kaya niyang itugma ito sa kanyang umiiral na pagkaunawa sa Diyos, nguni't kapag nakatagpo ng sinuman na may panteoryang pagkaunawa lamang ang Diyos, hindi niya nakikita ang kaugnayan. Ang katotohanan tungkol sa pagkakatawang-tao ang pinakamalalim na hiwaga; mahirap itong maarok. Ibuod and mga salita ng Diyos tungkol sa hiwaga ng pagkakatawang-tao, tingnan ito mula sa lahat ng anggulo, pagkatapos ay manalanging sama-sama, magbulay-bulay, at higit pang magbahagi tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Pagkatapos, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu at bibigyan ka ng pagkaunawa. Dahil ang tao'y walang pagkakataong makaugnay ang Diyos, dapat umasa siya sa ganitong uri ng karanasan para dahan-dahang magpatuloy at paunti-unting pumasok upang matamo ang tunay na pagkaunawa sa Diyos.
-mula sa "Paano Kikilalanin ang Diyos na Nagkatawang-tao" sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Ang pamamaraan kung paano nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos ay kapareho ng pamamaraan kung paano nila nakikilala ang pagpapakita ng mga salita ng Diyos sa katawang-tao. Mas nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, mas lalo nilang nakikilala ang Espiritu ng Diyos; sa pamamagitan ng pagdanas sa mga salita ng Diyos, natatarok ng mga tao ang mga prinsipyo ng gawain ng Espiritu at nakikilala ang praktikal na Diyos Mismo. Sa katunayan, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao at nakakamit sila, Kanyang ipinaaalam sa kanila ang mga gawa ng praktikal na Diyos; ginagamit Niya ang gawain ng praktikal na Diyos upang ipakita sa mga tao ang aktwal na kabuluhan ng pagkakatawang-tao, at upang ipakita sa kanila na ang Espiritu ng Diyos ay talagang nagpakita na sa harapan ng tao.
-mula sa "Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ang Diyos Mismo" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bagama't ang kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay eksaktong kagaya ng sa tao, natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita sa wika ng tao, at minsan ay ipinapahayag pa Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng mga pamamaraan at pagpapahayag ng sangkatauhan, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao, ang diwa ng mga bagay-bagay, at kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi magkapareho. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na hindi matatamo para sa isang tiwaling tao. Ito ay dahil sa ang Diyos ay katotohanan, ang katawang-tao na Kanyang isinusuot ay nagtataglay din ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga saloobin at yaong inihahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga panustos ng katotohanan, at ng buhay. Ang mga panustos na ito ay hindi lamang para sa isang tao, kundi para sa buong sangkatauhan. Para sa sinumang tiwaling tao, sa kanyang puso ay mayroon lamang mangilan-ngilang mga tao na nakakasama niya. Mayroon lamang iilang mga tao ang pinahahalagahan niya, na pinagmamalasakitan niya. Kapag ang sakuna ay tanaw na una niyang iniisip ang sarili niyang mga anak, asawa, o mga magulang, at ang isang higit na mapagkawang-gawang tao ay mag-iisip lamang ng ilan sa mga kamag-anak o isang mabuting kaibigan; nag-iisip pa ba siya ng iba? Hindi kailanman! Sapagka't ang mga tao ay, kung tutuusin, mga tao, at makatitingin lamang sila sa lahat ng bagay mula sa pananaw at mula sa kinatatayuan ng isang tao. Gayunman, ang Diyos na nagkatawang-tao ay lubos na naiiba mula sa isang taong tiwali. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano kanormal, gaano man kababa ang uri ng katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit pa gaano kababa ang tingin sa Kanya ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang saloobin patungkol sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi matataglay ng sinumang tao, at walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya nakikita ang sangkatauhan mula sa taas ng isang karaniwang tao, at mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, tumitingin sila gamit ang pananaw ng tao, at sila ay gumagamit ng mga bagay-bagay gaya ng kaalaman ng tao at mga patakaran at mga teorya ng tao bilang panukat. Ito ay nasa loob ng saklaw ng kung ano ang nakikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata; ito ay nasa loob ng saklaw ng nakakamit ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang isang maka-Diyos na pananaw, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at ito ay kung saan ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali ay ganap na magkaiba. Ang pagkakaibang ito ay nalalaman sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng tao at ng Diyos, at itong magkaibang mga diwang ito ang nagpapaalam ng kanilang mga pagkakakilanlan at mga kinatatayuan gayundin ang pananaw at taas mula kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay.
-mula sa "Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi ninyo makikita ang Diyos na humahawak ng magkakaparehong pananaw sa mga bagay na mayroon ang tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw ng tao, ng kanilang kaalaman, ng kanilang siyensiya, o ng kanilang pilosopiya o ng imahinasyon ng tao upang panghawakan ang mga bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Iyon ay, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi ilang walang-basehang pantasya, ang mga katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos dahil sa diwa ng Diyos at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao; pinahihintulutan nito ang mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang paraan sa sangkatauhan upang maaari silang lumakad sa tamang daan. Ang mga bagay na ito ay nalalaman dahil sa diwa ng Diyos at dahil sa diwa ng Kanyang kabanalan.
-mula sa "Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi ba ang lahat ng ibinubunyag sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay tungkol sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan? Ang matuwid na disposisyon at kabanalan ng Diyos ay ipinakikita sa pamamagitan ng iyong mga ideya at iyong mga motibo, at sa pamamagitan ng kung ano ang iyong ibinubunyag. Siya, na naninirahan din sa lupaing marumi, ay hindi namantsahan ng dumi kahit kaunti. Siya ay naninirahan sa kaparehong maruming mundo kagaya mo, nguni't nagtataglay Siya ng katwiran at pagkaunawa; kinasusuklaman Niya ang marumi. Ikaw mismo ay hindi magawang makita ang maruruming bagay sa iyong sariling mga salita at mga pagkilos nguni't magagawa Niya-maipakikita Niya ang mga ito sa iyo. Yaong mga lumang bagay sa iyo-ang iyong kawalan ng paglinang, kaunawaan, at katinuan, ang iyong paurong na paraan ng pamumuhay-lahat ay natuklasan sa pamamagitan ng Kanyang paghahayag sa mga ito sa ngayon. Ang Diyos ay dumating sa lupa upang gumawa sa ganitong paraan, upang makita ng mga tao ang Kanyang kabanalan at Kanyang matuwid na disposisyon. Hinahatulan at kinakastigo ka Niya at ipinauunawa ang iyong sarili. May mga pagkakataon na lumilitaw ang iyong napakasamang kalikasan at maaari Niyang ipakita ito sa iyo. Nababatid Niya ang katuturan ng sangkatauhan kagaya ng likod ng Kanyang kamay. Namumuhay din Siyang kagaya ng ginagawa mo, kinakain ang pagkain kagaya ng kinakain mo, naninirahan sa kaparehong tahanan kagaya mo, subali't mas marami Siyang nalalaman kaysa sa iyo. Nguni't ang pinakakinamumuhian Niya ay ang mga pilosopiya sa buhay ng mga tao at ang kanilang kalikuan at panlilinlang. Kinamumuhian Niya ang mga bagay na ito at ayaw Niyang pansinin ang mga ito. Pangunahin Niyang kinamumuhian ang mga makalamang pakikihalubilo ng sangkatauhan. Bagama't hindi Niya ganap na nauunawaan ang ilan sa pangkalahatang kaalaman ng mga pakikihalubilo ng mga tao, lubos Niyang nababatid kapag inihahayag ng mga tao ang ilan sa kanilang tiwaling disposisyon. Sa Kanyang gawain, nagsasalita Siya at tinuturuan ang mga tao sa pamamagitan ng mga bagay na ito sa kanila, at sa pamamagitan ng mga ito Niya hinahatulan ang mga tao at ibinubunyag ang Kanyang matuwid at banal na disposisyon. Sa ganitong paraan nagiging mga hambingan ang mga tao para sa Kanyang gawain. Tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang makapagbubunyag ng lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at lahat ng mga pangit na mukha ni Satanas. Hindi ka Niya pinarurusahan, gagawin ka lamang Niyang isang hambingan para sa kabanalan ng Diyos, at pagkatapos ay hindi ka makapaninindigan sa iyong sarili sapagka't masyado kang marumi. Siya ay nagsasalita sa pamamagitan ng mga bagay na ibinubunyag ng mga tao at inihahayag Niya ang mga ito upang malaman ng mga tao kung gaano kabanal ang Diyos. Hindi Niya palalampasin maging ang katiting na dumi sa mga tao, hindi maging ang pinakamaliit na ideyang marumi sa kanilang mga puso o mga salita at mga pagkilos na hindi naaayon sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, walang dumi sa kaninumang tao at bagay ang matitira-lahat ng ito ay mahahayag. Sa gayon mo lamang makikita na Siya ay tunay na naiiba mula sa mga tao. Siya ay lubos na nagagalit maging sa katiting na dumi sa sangkatauhan. May mga pagkakataon na hindi pa nauunawaan ng mga tao, at sinasabing: "O Diyos, bakit Ka laging galit? Bakit hindi Ka maunawain sa mga kahinaan ng sangkatauhan? Bakit wala Kang kaunting pagpapatawad para sa sangkatauhan? Bakit masyado Kang hindi maunawain sa tao? Nababatid Mo kung gaano katiwali ang mga tao, kaya bakit trinatrato Mo pa rin ang mga tao sa ganitong paraan?" Siya ay nasusuklam sa kasalanan; namumuhi Siya sa kasalanan. Partikular Siyang nasusuklam sa anumang pagiging mapanghimagsik na maaaring mayroon ka. Kapag naghahayag ka ng isang mapanghimagsik na disposisyon Siya ay nagagalit nang husto. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito kaya ang Kanyang disposisyon at pagiging Diyos ay maipapahayag. Kapag inihambing mo ito sa iyong sarili, makikita mo na bagama't kumakain Siya ng kaparehong pagkain, nagsusuot ng kaparehong pananamit, at mayroon Siyang kaparehong mga kagalakan kagaya ng sa mga tao, bagama't nakikipamuhay Siya katabi at kasama ng sangkatauhan, hindi Siya pareho. Hindi ba ito ang talagang kahulugan ng pagiging isang hambingan? Sa pamamagitan ng mga bagay na ito sa mga tao kaya ang dakilang kapangyarihan ng Diyos ay nakikita nang napakalinaw; ang kadiliman ang nagtakda sa napakahalagang pag-iral ng liwanag.
-mula sa "Paano Namumunga ang Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Panlulupig" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Alam Niyang lubos ang diwa ng tao, anupa't kaya Niyang ibunyag ang lahat ng uri ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng tiwaling disposisyon ng tao at mapanghimagsik na pag-uugali. Hindi Siya namumuhay sa gitna ng makamundong mga tao, ngunit alam Niya ang kalikasan ng mga mortal at ang lahat ng katiwalian ng makamundong mga tao. Ito ay kung ano Siya. Kahit hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga tuntunin sa pakikitungo sa mundo, sapagkat lubos Niyang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, maging ngayon at noong nakaraan. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa buhay ng tao at himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ay kung ano Siya, ginawang bukas sa mga tao at nakatago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinahahayag ay hindi ang kung ano ang isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at kung ano ang Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa buong mundo ngunit alam ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga "unggoy na hawig sa tao" na walang kaalaman o pananaw, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salita na mas mataas sa kaalaman at mas higit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng pangkat ng mapupurol ang isip at manhid na mga tao na walang pagkatao at hindi nakakaunawa sa mga kalakaran at buhay ng tao, ngunit kaya Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay kung ano Siya, mas mataas sa kahit anong laman-at-dugong tao. Para sa Kanya, hindi kailangang makaranas ng isang magulo, mahirap at nakakarimarim na buhay panlipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakakarimarim na buhay panlipunan ay hindi nakapagtataas sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aralin sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ang tao ng buhay. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay upang ibunyag ang di-pagkamakatuwiran ng tao pagkatapos alamin na pangmatagalan ang pagsuway ng tao at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang gawain na ginagawa Niya ay upang ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang kung ano Siya. Siya lamang ang maaaring gumawa nito, hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng laman-at-dugong tao. Hinggil sa Kanyang gawain, hindi kaya ng tao na sabihin kung anong uri Siya ng tao. Hindi rin kaya ng tao na uriin Siya bilang nilikhang persona batay sa Kanyang gawain. Kung ano Siya ay gumagawa rin sa Kanya na hindi kayang mauri bilang nilikhang persona. Maaari lamang ituring ng tao na Siya ay hindi tao, ngunit hindi alam kung saang uri Siya ilalagay, kaya napilitan ang tao na ilagay Siya sa uri ng Diyos. Hindi kawalang-katwiran na gawin ito ng tao, sapagkat marami Siyang nagawa sa gitna ng mga tao na hindi kayang gawin ng tao.
-mula sa "Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Diyos Mismo ay walang mga elemento ng pagsuway; ang Kanyang diwa ay mabuti. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pag-ibig. Kahit nasa katawang-tao, ang Diyos ay hindi gumagawa ng anuman na sumusuway sa Diyos Ama. Kahit na sa paggugol ng pagsasakripisyo ng Kanyang buhay, Siya ay buong-pusong papayag at walang ibang pinipili. Ang Diyos ay walang mga elemento ng pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili, o kahit na kapalaluan at pagmamataas; Siya ay walang elemento ng kabuktutan. Lahat ng sumusuway sa Diyos ay nanggagaling kay Satanas; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Ang dahilan kung bakit ang tao ay may mga katangian na katulad ng kay Satanas ay dahil sa ang tao ay nagawa nang tiwali at kinilusan ni Satanas. Si Cristo ay hindi pa nagawang tiwali ni Satanas, kaya Siya ay mayroon lamang mga katangian ng Diyos at wala niyaong kay Satanas. Kahit gaano kahirap ang gawain o kahina ang katawang-tao, ang Diyos, habang Siya ay nabubuhay sa katawang-tao, ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na gumagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo na ang pagpapabaya sa kalooban ng Diyos Ama nang dahil sa pagsuway. Mas pipiliin pa Niyang magdusa ng mga sakit ng katawang-tao kaysa salungatin ang kalooban ng Diyos Ama; ito ay kagaya ng sinabi ni Jesus sa panalangin, "Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo." Ang tao ay pipili, subali't si Cristo ay hindi. Bagaman Siya ay may pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahanap pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao.
-mula sa "Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Wala tayong kaalam-alam, pinangungunahan tayo ng hamak na taong ito tungo sa sunud-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Sumasailalim tayo sa hindi-mabilang na mga pagsubok, nagpapasan ng hindi-mabilang na mga pagkastigo, at sinusubok ng kamatayan. Natututuhan natin ang matuwid at maringal na disposisyon ng Diyos, natatamasa, rin, ang Kanyang pag-ibig at awa, pinahahalagahan ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at napagmamasdan ang Kanyang sabik na pagnanais na iligtas ang tao. Sa mga salita ng karaniwang taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, naiintindihan ang kalooban ng Diyos, nalalaman ang kalikasan at diwa ng tao, at nakikita ang daan ng kaligtasan at pagka-perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagsasanhi ng ating "kamatayan", at muli nagsasanhi ng ating "kapanganakang muli"; ang Kanyang mga salita ay nagdudulot ng kaginhawahan, gayunpaman ay iniiwan din tayong naliligalig ng pagkakasala at ng pakiramdam na may-pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay nagdadala sa atin ng kagalakan at kapayapaan, subali't ito'y nagbibigay din ng walang-katapusang pasakit. Minsan tayo ay parang mga tupang kakatayin sa Kanyang mga kamay; minsan tayo ay Kanyang kinagigiliwan, at tinatamasa ang Kanyang malambing na pagsinta; minsan tayo ay parang Kanyang kaaway, at nagiging abo dahil sa Kanyang galit sa Kanyang mga mata. Tayo ang sangkatauhan na Kanyang iniligtas, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na Kanyang pilit na hinahanap araw at gabi. Siya ay maawain sa atin, tayo ay Kanyang kinamumuhian, tayo ay Kanyang iniaangat, tayo ay Kanyang inaaliw at pinapayuhan, tayo ay Kanyang ginagabayan, tayo ay Kanyang nililiwanagan, tayo ay Kanyang kinakastigo at dinidisiplina, at tayo rin ay Kanyang isinusumpa. Siya ay laging nag-aalala para sa atin sa gabi at araw, at tayo ay Kanyang kinakalinga at pinangangalagaan sa gabi at araw, hindi kailanman lumilisan sa ating tabi, kundi ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pangangalaga sa atin at nagbabayad ng anumang halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas nitong maliit at karaniwang katawang-tao, natamasa na natin ang kabuuan ng Diyos, at namasdan ang hantungan na naipagkaloob na sa atin ng Diyos. Nguni't sa kabila nito, nananatili ang kayabangan sa ating mga puso, at ayaw pa rin nating loobing masigasig na tanggapin ang taong ito bilang ating Diyos. Kahit na nabigyan na Niya tayo ng napakaraming manna, napakarami upang ating tamasahin, wala sa mga ito ang nakakaagaw sa lugar ng Diyos sa ating mga puso. Ating pinararangalan ang natatanging pagkakakilanlan at katayuan ng taong ito nang may matinding pag-aatubili. Hangga't Siya ay hindi nagsasalita upang hingin sa atin na Siya ay ating kilalanin bilang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusa na Siya ay kilalanin bilang ang Diyos na malapit nang dumating at gayunman ay gumagawa na nang matagal sa ating kalagitnaan.
Ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba't ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang nararapat gawin habang kasabay na binibigyang-tinig ang Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, ipinakikita sa atin ang paraan kung paano tayo dapat lumakad, at binibigyang-kakayahan tayo na maintindihan ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, sinisimulan nating ituon ang ating pansin sa himig at paraan ng Kanyang pananalita, at wala tayong kamalay-malay na nagsisimulang magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng pangkaraniwang taong ito. Siya ay gumagawa nang maingat na pagsisikap para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumadaing sa sakit para sa atin, nakakaranas ng pagpapahiya para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan, at ang Kanyang puso ay dumudugo at lumuluha dahil sa ating pagiging manhid at pagkamapanghimagsik. Ang may ganitong pagkatao at pag-uugali ay hindi karaniwang tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi angkin ng karaniwang tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi taglay ng sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may gayong kalinaw at ganap na pagtarok sa ating kalikasan at diwa, o nakakahatol sa pagkamapaghimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o nakakapagsalita sa atin at gumagawa sa ating kalagitnaan nang ganito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan at karangalan ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay bumubukal, sa kabuuan ng mga ito, mula sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagpakita sa atin ng daan at makakapagdala sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagbunyag ng mga hiwaga na hindi pa naipaalam ng Diyos mula sa paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagligtas sa atin mula sa gapos ni Satanas at ng ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Inihahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Siya ay nagsimula na ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at naghatid ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at Siya ay nagdala na sa atin ng pag-asa, tinatapos ang ating pamumuhay sa kalabuan at hinahayaan ang ating buong pagkatao na lubos na mamasdan, nang buong kalinawan, ang daan ng kaligtasan. Kanyang nalupig na ang ating buong pagkatao, at nakamit ang ating mga puso. Mula sa sandaling iyon, ang ating mga isipan ay nagkamalay na, at ang ating mga espiritu ay tila napanumbalik: Ang karaniwan at hamak na taong ito, na namumuhay kasama natin at matagal na nating tinanggihan-hindi ba't Siya ang Panginoong Jesus, na laging nasa ating mga isipan, gising man o nananaginip, at ating inaasam sa gabi at araw? Ito ay Siya! Ito ay talagang Siya! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tayo ay nabigyang-kakayahan na Niyang mabuhay muli at makita ang liwanag, at napatigil na ang ating mga puso sa paglihis. Tayo ay nagbalik na sa tahanan ng Diyos, tayo ay nagbalik na sa harap ng Kanyang trono, tayo ay kaharap Niya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang landas sa hinaharap. Sa panahong ito, ang puso natin ay lubusan Niyang nilulupig; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tinututulan ang Kanyang gawain at Kanyang salita, at tayo ay nagpapatirapa sa Kanyang harapan. Tayo ay hindi nagnanais ng anuman maliban sa pagsunod sa mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating mga buhay, at upang tayo ay Kanyang magawang perpekto, at upang masuklian natin ang Kanyang biyaya, upang masuklian ang Kanyang pag-ibig sa atin, at upang sundin ang Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos, at upang makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang tapusin ang Kanyang mga ipinagkakatiwala sa atin.
Ang panlulupig ng Diyos sa atin ay parang paligsahan ng sining ng pakikipaglaban.
Ang bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumatama sa isa sa ating mga mortal na bahagi, na iniiwan tayong malungkot at puno ng takot. Inilalantad Niya ang ating mga pagkaunawa, ang ating mga naguguni-guni, at ang ating tiwaling disposisyon. Mula sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa, hanggang sa lahat ng ating mga saloobin at mga kaisipan, ang ating kalikasan at diwa ay ibinubunyag sa Kanyang mga salita, iniiwan tayong nanginginig sa takot at walang mapagtaguan ng ating kahihiyan. Isa-isa, sinasabi Niya sa atin ang tungkol sa lahat ng ating mga pagkilos, ating mga layunin at mga hangarin, maging ang ating tiwaling disposisyon na hindi pa natin natutuklasan, nararamdaman natin na tila lubusan tayong nailantad sa lahat ng ating kahabag-habag na pagka-hindi perpekto, at lalong higit pa, na talagang nahikayat tayo. Tayo ay Kanyang hinahatulan sa ating pagsalungat sa Kanya, kinakastigo dahil sa ating pagsalangsang at paghusga sa Kanya, at ipinararamdam sa atin na, sa Kanyang mga mata, tayo ay wala kahit isang katangiang nagtutubos, na tayo ang nabubuhay na Satanas. Ang ating mga pag-asa ay nawawasak, hindi na tayo naglalakas-loob na humingi ng anumang hindi-makatuwiran o nag-iisip na umasa pa sa Kanya, at maging ang ating mga pangarap ay naglalaho sa magdamag. Ito ay isang katunayan na hindi natin maakala at wala sa atin ang makatatanggap. Sa loob ng isang saglit, nawawalan tayo ng panimbang, at hindi alam kung papaano magpatuloy sa daan na hinaharap, o kung papaano magpatuloy sa ating mga paniniwala. Tila ang ating pananampalataya ay nagbalik na sa umpisa, at muli tila hindi pa natin kailanman nakatagpo ang Panginoong Jesus o nakilala Siya. Naguguluhan tayo dahil sa lahat ng nakikita natin, at ating nararamdaman na parang tayo ay natatangay ng alon. Nasisira ang ating loob, tayo ay nabibigo, at sa ating mga puso ay mayroong matigas na galit at kahihiyan. Sinusubukan nating magbulalas, maghanap ng daan palabas, at, higit sa lahat, ipagpatuloy ang paghihintay sa ating Tagapagligtas na si Jesus, upang maaari nating ibuhos ang ating mga damdamin sa Kanya. Bagaman may mga pagkakataong tila kalmado lamang tayo sa labas, hindi mapagmayabang o mapagpakumbaba, sa ating mga puso tayo ay tinatablan ng pakiramdam na nawalan na hindi pa natin kailanman naramdaman dati. Bagaman minsan maaaring tila tayo ay di-pangkaraniwang tiwasay sa panlabas, ang mga isipan natin ay nagugulo ng paghihirap gaya ng maalong dagat. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nabaklasan tayo ng lahat ng ating mga pag-asa at mga pangarap, nagwawakas sa ating mga maluhong pagnanasa at iniiwan tayong hindi handang maniwala na Siya ang ating Tagapagligtas at may kakayanang tayo ay iligtas. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagbukas na ng napakalalim na agwat sa pagitan natin at Niya kaya't walang sinuman ang nagnanais man lamang na sumubok at tumawid. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang unang pagkakataon na tayo ay nakaranas nang ganoon kalaking kabiguan, at ganoon kalaking kahihiyan sa ating mga buhay. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagsanhi sa atin na talagang pahalagahan ang karangalan ng Diyos at hindi-pagkunsinti sa pagkakasala ng tao, na kung saan tayo ay masyadong mababa at masyadong marumi kung ihahambing. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpatanto na sa atin sa unang pagkakataon kung gaano tayo kayabang at kahambog, at kung papaanong kahit kailan ay hindi magiging kapantay ang tao sa Diyos, o kaparis ng Diyos. Dahil sa Kanyang paghatol at pagkastigo tayo ay naghangad na hindi na muling mamuhay sa gayong tiwaling disposisyon, tanggalin sa ating mga sarili ang ganitong kalikasan at diwa sa lalong madaling panahon, at hindi na maging kinamumuhian Niya at nakapandidiri sa Kanya. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpasaya na sa atin na sumunod sa Kanyang mga salita, at hindi na kailanman naghihimagsik laban sa Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay minsan pang nagbigay na sa atin ng pagnanais na hanapin ang buhay, at nagpasaya na sa atin na tanggapin Siya bilang ating Tagapagligtas.... Nakalabas na tayo sa gawain ng panlulupig, mula sa impiyerno, mula sa lambak ng kamatayan.... Nakamit na tayo, itong pangkat ng mga tao, ng Makapangyarihang Diyos! Siya ay nagtagumpay na laban kay Satanas, at tinalo ang lahat ng Kanyang mga kaaway!
-mula sa "Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay "para sa."
Karagdagang informasiyon: Ikalawang Pagparito ni Cristo