Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

17.10.2020

Pinaniniwalaan, minamahal, at pinalulugod ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng paghaplos sa Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay pagkakamit ng Kanyang kaluguran, at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga salita ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay pagkaantig nila ng Espiritu ng Diyos. Kung nais mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay at magtatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kailangan mo munang ibigay ang iyong puso sa Kanya. Pagkatapos mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan at maibuhos ang buong puso mo sa Kanya, saka mo lamang unti-unting magagawang magkakaroon ng isang normal na espirituwal na buhay. Kung hindi ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos sa kanilang pananalig sa Kanya, at kung ang kanilang puso ay wala sa Kanya at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nila, lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, isang tipikal na kilos ng mga taong relihiyoso, at hindi makatatamo ng papuri ng Diyos. Walang mapapala ang Diyos sa ganitong klaseng tao; ang ganitong klaseng tao ay maaari lamang magsilbing hadlang sa gawain ng Diyos, kagaya ng isang palamuti sa tahanan ng Diyos, isang bagay na kalabisan at walang silbi. Hindi kinakasangkapan ng Diyos ang ganitong klaseng tao. Sa gayong tao, hindi lamang walang pagkakataon para sa gawain ng Banal na Espiritu, wala ring anumang halaga para gawin silang perpekto. Ang ganitong klaseng tao, sa totoo lang, ay isang naglalakad na bangkay. Walang taglay na anuman ang mga taong ganito para maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, kundi taliwas dito, silang lahat ay naangkin na at malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Lilipulin ng Diyos ang mga taong ito. Sa kasalukuyan, sa pagkasangkapan sa mga tao, hindi lamang ginagamit ng Banal na Espiritu ang mga bahagi nilang iyon na kanais-nais upang magawa ang mga bagay-bagay, pineperpekto at binabago rin Niya ang mga bahagi nilang hindi kanais-nais. Kung maibubuhos ang puso mo sa Diyos at mananatiling tahimik sa Kanyang harapan, magkakaroon ka ng pagkakataon at mga kwalipikasyong maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, upang matanggap ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at bukod pa riyan, magkakaroon ka ng pagkakataon para makabawi sa Banal na Espiritu sa iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo ang puso mo sa Diyos, ang maganda, makakatamo ka ng mas malalim na pagpasok at makakatamo ka ng mas mataas na kabatiran; ang hindi maganda, mas mauunawaan mo ang iyong sariling mga pagkakamali at pagkukulang, magiging mas masigasig kang hangarin na mapalugod ang kalooban ng Diyos, at hindi ka magiging balintiyak, kundi aktibo kang papasok. Sa gayon, magiging isa kang tamang tao. Ipagpalagay nang kaya ng puso mo na manatiling tahimik sa harap ng Diyos, ang susi kung tumatanggap ka ng papuri mula sa Banal na Espiritu o hindi, at kung napapalugod mo ang Diyos o hindi, ay kung aktibo kang makakapasok. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang isang tao at kinakasangkapan sila, hindi sila nito ginagawang negatibo kailanman kundi lagi silang aktibong pinasusulong. Bagama't mayroong mga kahinaan ang taong ito, maiiwasan nilang ibatay ang paraan ng kanilang pamumuhay sa mga kahinaang iyon. Maiiwasan nilang maantala ang paglago ng kanilang buhay, at patuloy na hahangaring mapalugod ang kalooban ng Diyos. Ito ay isang pamantayan. Kung matatamo ninyo ito, sapat na patunay ito na nakamit mo na ang presensya ng Banal na Espiritu. Kung palaging negatibo ang isang tao, at kung, matapos man silang tumanggap ng kaliwanagan at makilala ang kanilang sarili, nananatili pa rin silang negatibo at balintiyak at hindi magawang tumayo at kumilos na kasabay ng Diyos, tinatanggap lamang ng ganitong klaseng tao ang biyaya ng Diyos, ngunit hindi sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kapag negatibo ang isang tao, ibig sabihin ay hindi pa bumabaling ang kanilang puso sa Diyos at hindi pa naaantig ng Espiritu ng Diyos ang kanilang espiritu. Dapat itong maunawaan ng lahat.

Makikita mula sa karanasan na isa sa pinakamahahalagang isyu ay ang pagpapatahimik ng puso ng isang tao sa harap ng Diyos. Ito ay isang isyung may kinalaman sa espirituwal na buhay ng mga tao, at sa kanilang paglago sa buhay. Kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, saka lamang magkakaroon ng bunga ang pagsisikap mong matamo ang katotohanan at magbago ang iyong disposisyon. Dahil humaharap ka sa Diyos nang may pasanin, at dahil palagi mong nadarama na nagkukulang ka sa napakaraming paraan, na maraming katotohanan kang kailangang malaman, maraming realidad kang kailangang maranasan, at na dapat mong ingatan nang husto ang kalooban ng Diyos-nasa isip mo palagi ang mga bagay na ito. Para bang dinadaganan ka ng mga ito nang husto na hindi ka na makahinga, at sa gayon ay napakalungkot mo (bagama't hindi ka negatibo). Ang mga tao lamang na kagaya nito ang karapat-dapat na tumanggap ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at antigin ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dahil sa kanilang pasanin, dahil napakalungkot nila, at, masasabing, dahil sa halagang kanilang ibinayad at pahirap na kanilang tiniis sa harap ng Diyos, tumatanggap sila ng Kanyang kaliwanagan at pagpapalinaw. Sapagkat hindi binibigyan ng Diyos ng espesyal na pagtrato ang sinuman. Lagi Siyang patas sa pagtrato Niya sa mga tao, ngunit hindi rin Siya nagbibigay sa mga tao nang basta-basta o walang kundisyon. Ito ay isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sa totoong buhay, hindi pa nakakamit ng karamihan sa mga tao ang kalagayang ito. Ano't anuman, hindi pa nakakabaling nang husto ang kanilang puso sa Diyos, at sa gayon ay wala pa ring anumang malaking pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ay dahil sa nabubuhay lamang sila sa biyaya ng Diyos at hindi pa nila natatamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga pamantayang kailangang matugunan ng mga tao para makasangkapan ng Diyos ay ang mga sumusunod: Bumaling ang kanilang puso sa Diyos, pasanin nila ang bigat ng mga salita ng Diyos, magkaroon sila ng pusong nasasabik, at magpasya silang sikaping matamo ang katotohanan. Ang ganitong klaseng mga tao lamang ang maaaring magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu at madalas na nagtatamo ng kaliwanagan at paglilinaw. Sa tingin ay parang di-makatwiran at walang normal na kaugnayan sa iba ang mga taong kinakasangkapan ng Diyos, bagama't magalang silang magsalita, hindi sila nagsasalita nang walang ingat, at kaya nilang patahimikin palagi ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ito mismo ang klase ng tao na sapat upang kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Ang "di-makatwirang" taong ito na tinutukoy ng Diyos ay tila walang normal na kaugnayan sa iba, at wala silang pagpapahalaga sa pagpapakita ng pagmamahal o mga panlabas na pagsasagawa, ngunit kapag nagpaparating sila ng mga espirituwal na bagay nagagawa nilang buksan ang kanilang puso at bigyan ang iba ng paglilinaw at kaliwanagang natamo nila mula sa kanilang totoong karanasan sa harap ng Diyos nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Ganito nila ipinapahayag ang kanilang pagmamahal sa Diyos at pinalulugod ang kalooban ng Diyos. Kapag ang lahat ng iba pa ay sinisiraan at nililibak sila, naiiwasan nilang makontrol ng mga tao, pangyayari, o bagay sa labas, at kaya pa rin nilang manatiling tahimik sa harap ng Diyos. Ang gayong tao ay tila may sariling kakaibang mga kabatiran. Anuman ang ginagawa ng iba, hindi iniiwan ng puso nila ang Diyos kailanman. Kapag masayang nag-uusap at nagbibiruan ang iba, nananatili pa rin ang kanilang puso sa harap ng Diyos, binubulay-bulay ang salita ng Diyos o tahimik na nananalangin sa Diyos sa puso nila, hinahanap ang mga layon ng Diyos. Hindi nila pinahahalagahan kailanman ang pagpapanatili ng normal na kaugnayan sa ibang tao. Ang gayong tao ay tila walang pilosopiya sa pamumuhay. Sa tingin, ang taong ito ay masigla, kaibig-ibig, at inosente, ngunit mayroon ding diwa ng kahinahunan. Ito ang wangis ng klase ng taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang mga bagay na gaya ng pilosopiya sa pamumuhay o "normal na katwiran" ay sadyang hindi gumagana sa ganitong klaseng tao; ito ang klase ng taong itinalaga na ang kanyang buong puso sa salita ng Diyos, at tila Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Ito ang klase ng taong tinutukoy ng Diyos na "walang katwiran," at ito mismo ang klase ng taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang tanda ng isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay: Kailan man o saan man, ang kanilang puso ay palaging nasa harap ng Diyos, at gaano man kasama ang iba, gaano man sila nagpapalayaw sa pagnanasa at tawag ng laman, hindi iniiwan ng puso ng taong ito ang Diyos kailanman, at hindi sila sumusunod sa karamihan. Ang ganitong klaseng tao lamang ang angkop na kasangkapanin ng Diyos, at ang ganitong klaseng tao lamang ang ginagawang perpekto ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo kayang matamo ang mga bagay na ito, hindi ka karapat-dapat na matamo ng Diyos at maperpekto ng Banal na Espiritu.

Kung nais mong magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang bumaling ang puso mo sa Diyos. Sa pundasyong ito, magkakaroon ka rin ng normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magsumikap o gaanong lakas man ang iyong ibuhos, tutukoy lamang ang lahat ng ito sa isang pilosopiya ng tao sa pamumuhay. Pinananatili mo ang iyong katayuan sa mga tao sa pamamagitan ng isang pananaw ng tao at isang pilosopiya ng tao upang purihin ka ng mga tao, ngunit hindi mo sinusunod ang salita ng Diyos para magtatag ng mga normal na kaugnayan sa mga tao. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao kundi magpapanatili ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kung handa kang ibigay ang puso mo sa Diyos at matututong sundin Siya, natural lamang na magiging normal ang iyong mga kaugnayan sa lahat ng tao. Sa ganitong paraan, hindi itinatatag ang mga kaugnayang ito sa laman, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos walang pakikipag-ugnayan sa laman, ngunit sa espiritu ay may pagsasamahan, pagmamahalan, kapanatagan sa isa't isa, at paglalaan para sa isa't isa. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng isang pusong nakakalugod sa Diyos. Ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pag-asa sa pilosopiya ng tao sa pamumuhay, kundi likas na likas na nabubuo sa pamamagitan ng pagdadala ng isang pasanin para sa Diyos. Hindi nito kinakailangan ang pagsisikap na gawa ng tao. Kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos. Handa ka bang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos? Handa ka bang maging isang taong "walang katwiran" sa harap ng Diyos? Handa ka bang ibigay nang lubusan ang puso mo sa Diyos at balewalain ang iyong katayuan sa mga tao? Sa lahat ng taong nakakasalamuha mo, kanino ka may pinakamagagandang kaugnayan? Kanino ka may pinakamasasamang kaugnayan? Normal ba ang mga kaugnayan mo sa mga tao? Tinatrato mo ba nang pantay-pantay ang lahat ng tao? Pinananatili mo ba ang iyong mga kaugnayan sa iba ayon sa iyong pilosopiya sa pamumuhay, o nakatatag ba ang mga ito sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos? Kapag hindi ibinibigay ng isang tao ang kanyang puso sa Diyos, ang kanyang espiritu ay nagiging mapurol, manhid at walang malay. Hindi mauunawaan ng ganitong klaseng tao ang mga salita ng Diyos kailanman at hindi magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos kailanman; ang disposisyon ng ganitong klaseng tao ay hindi kailanman magbabago. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay ang proseso ng lubusang pagbibigay ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, at ng pagtanggap ng kaliwanagan at paglilinaw mula sa mga salita ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay maaaring pahintulutan ang isang tao na aktibong makapasok, at tulungan din silang alisin ang kanilang mga negatibong aspeto pagkatapos malaman ang mga ito. Kapag umabot ka sa punto ng pagbibigay ng puso mo sa Diyos, mahihiwatigan mo ang bawat banayad na pagkilos sa iyong espiritu, at malalaman mo ang bawat kaliwanagan at paglilinaw na natatanggap mula sa Diyos. Kumapit dito, at unti-unti kang papasok sa landas ng pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kapag mas tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, magiging mas sensitibo at maselan ang iyong espiritu at mas mahihiwatigan ng iyong espiritu kung paano ito inaantig ng Banal na Espiritu, at sa gayon ay magiging mas normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Ang isang normal na kaugnayan sa pagitan ng mga tao ay itinatatag sa pundasyon ng pagbibigay ng kanilang puso sa Diyos, at hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanilang puso, ang mga kaugnayan sa pagitan ng mga tao ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, kundi sa halip ay pagpapalayaw sa pagnanasa ng laman. Mga kaugnayan ang mga ito na kinamumuhian ng Diyos, na Kanyang kinasusuklaman. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay naantig, ngunit gusto mo palaging makisalamuha sa mga taong gusto mo, sa sinumang tinitingala mo, at kung may ibang taong naghahangad ngunit hindi mo sila gusto, at mayroon ka pang ayaw sa kanila at ayaw mo silang pakisamahan, dagdag na patunay ito na maramdamin ka at ni wala ka man lang normal na kaugnayan sa Diyos. Tinatangka mong linlangin ang Diyos at ikubli ang sarili mong kapangitan. Kahit may maibabahagi kang kaunting pagkaunawa subalit mali ang iyong mga layon, lahat ng ginagawa mo ay mabuti lamang ayon sa mga pamantayan ng tao. Hindi ka pupurihin ng Diyos-kumikilos ka ayon sa laman, hindi ayon sa pasanin ng Diyos. Kung nagagawa mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos at mayroon kang normal na pakikipag-ugnayan sa lahat ng nagmamahal sa Diyos, saka ka lamang angkop na kasangkapanin ng Diyos. Sa ganitong paraan, gaano ka man nakikisalamuha sa iba, hindi ito magiging ayon sa isang pilosopiya sa pamumuhay, kundi magiging sa harap ng Diyos, pamumuhay sa isang paraan na nagsasaalang-alang sa Kanyang pasanin. Ilan ang mga taong kagaya nito sa inyo? Talaga bang normal ang mga kaugnayan mo sa iba? Sa anong pundasyon nakatatag ang mga ito? Ilang pilosopiya sa pamumuhay ang nasa iyong kalooban? Itinakwil mo na ba ang mga ito? Kung hindi lubos na makabaling ang puso mo sa Diyos, hindi ka maka-Diyos-mula ka kay Satanas, at ibabalik ka kay Satanas sa bandang huli. Hindi ka karapat-dapat na makabilang sa mga tao ng Diyos. Lahat ng ito ay nangangailangan ng iyong maingat na pagsasaalang-alang.


Dahil sa abalang trabaho, hindi naging maayos ang aming mga debosyonal, at naging malayo rin ang ating mga relasyon sa Diyos. Ano ang dapat naming gawin? Ang Daily Bread Tagalog ay makakatulong sa inyo na maibalik ang inyong tamang relasyon sa Diyos at mapalapit sa Diyos.

Lihim nang dumating ang Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos, magpapakita ang Diyos nang hayagan at gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Nais mo bang salubungin ang Panginoon at maligtas ng Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad? Huwag mag-atubiling kontakin kami ngayon para malaman ang paraan.

¡Crea tu página web gratis! Esta página web fue creada con Webnode. Crea tu propia web gratis hoy mismo! Comenzar