Ginawa ng Diyos ang Bahaghari bilang isang Palatandaan ng Kanyang Tipan sa Tao

06.01.2021

Genesis 9:11-13 At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Diyos, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.

Susunod, tingnan natin ang bahaging ito ng banal na kasulatan tungkol sa kung paano ginawa ng Diyos ang bahaghari bilang palatandaan ng Kanyang tipan sa tao.

Alam ng karamihan sa mga tao kung ano ang bahaghari at nakarinig na sila ng ilang kuwento na may kaugnayan sa mga bahaghari. Tungkol sa kuwento ng bahaghari sa Biblia, may ilang tao na naniniwala rito, may ilang itinuturing itong alamat, habang ang iba ay hindi kailanman naniniwala rito. Ano pa man, ang lahat ng nangyaring may kaugnayan sa bahaghari ay mga bagay na minsan ay ginawa ng Diyos, at mga bagay na naganap sa proseso ng pamamahala ng Diyos sa tao. Ang mga ito ay naitala nang tiyak sa Biblia. Hindi sinasabi sa atin ng mga naitalang ito kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos sa panahong iyon o ang mga layunin na nasa likod ng mga salitang ito na sinabi ng Diyos. Higit pa rito, walang makapagpahalaga sa nararamdaman ng Diyos noong sinabi Niya ang mga ito. Subali't ang kalagayan ng isip ng Diyos tungkol sa lahat ng ito ay naihahayag sa nakatagong kahulugan ng teksto. Para bang ang Kanyang mga kaisipan ay tumatalon mula sa pahina sa pamamagitan ng bawat salita at parirala ng salita ng Diyos.

Ang mga kaisipan ng Diyos ang dapat na binibigyang-pansin ng mga tao at dapat nilang sinusubukang malaman nang higit sa lahat. Ito ay dahil ang mga kaisipan ng Diyos ay malapit na kaugnay sa pagkaunawa ng tao sa Diyos, at ang pagkaunawa ng tao sa Diyos ay isang dugtong na hindi maaaring mawala sa pagpasok ng tao sa buhay. Kaya ano ang iniisip ng Diyos noong panahong nangyari ang mga ito?

Sa simula, sa mata ng Diyos lumikha Siya ng sangkatauhan na napakabuti at malapit sa Kanya, nguni't sila ay nilipol sa pamamagitan ng baha matapos maghimagsik laban sa Kanya. Nasaktan ba ang Diyos na ang ganoong sangkatauhan ay agad naglaho nang ganoon na lamang? Siyempre, masakit iyon! Kaya ano ang pagpapahayag Niya ng sakit na ito? Paano itong naitala sa Biblia? Naitala ito sa Biblia nang ganito: "At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa." Ang simpleng pangungusap na ito ay nagpapahayag ng mga kaisipan ng Diyos. Lubhang napakasakit sa Kanya itong pagkagunaw ng mundo. Sa mga salita ng tao, Siya ay napakalungkot. Maaari nating gunitain: Ano ang anyo ng daigdig na minsan ay puno ng buhay pagkatapos itong ginunaw ng baha? Ano na ngayon ang anyo ng daigdig na minsan ay puno ng mga tao? Walang tahanan na para sa tao, walang mga buhay na nilikha, may tubig kahit saan at isang lubos na kaguluhan sa ibabaw ng tubig. Ang ganito bang eksena ang talagang layunin ng Diyos noong nilikha Niya ang mundo? Siyempre hindi! Ang talagang layunin ng Diyos ay makakita ng buhay sa buong kalupaan, ang makita ang mga taong Kanyang nilikha na sumasamba sa Kanya, hindi para si Noe lang ang nag-iisang sumasamba sa Kanya o ang nag-iisang maaaring tumugon sa Kanyang panawagan na tapusin ang ipinagkatiwala sa kanya. Noong naglaho ang sangkatauhan, nakita ng Diyos ang lubos na kabaliktaran ng talagang nilayon Niya. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Kaya noong ibinubunyag Niya ang Kanyang disposisyon at ipinahihiwatig ang Kanyang mga damdamin, nagpasya ang Diyos. Anong uri ng pasya ang Kanyang ginawa? Ang gumawa ng arko sa ulap (pansinin: ang bahagharing nakikita natin) bilang isang tipan sa tao, isang pangako na hindi na muling lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng baha. Kasabay nito, para sabihin din sa mga tao na minsan ay ginunaw ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, upang magpakailanman ay maipaalala sa sangkatauhan kung bakit ginawa ng Diyos ang ganoon.

Ang pagkagunaw ba ng mundo noong panahong iyon ay isang bagay na kagustuhan ng Diyos? Tiyak na hindi ito ang gusto ng Diyos. Maaari nating gunitain ang maliit na bahagi ng kaawa-awang anyo ng daigdig matapos ang pagkagunaw ng mundo, nguni't hindi natin magugunita nang sapat kung ano ang anyo ng eksenang ito sa panahong iyon sa mata ng Diyos. Masasabi natin, kung ito man ay mga tao ngayon o noon, walang makagugunita o makapagpapahalaga kung ano ang nararamdaman ng Diyos noong nakita Niya ang eksenang iyon, ang anyong iyon ng mundo pagkatapos itong magunaw sa pamamagitan ng baha. Napilitan ang Diyos na gawin ito dahil sa pagsuway ng tao, nguni't ang sakit na pinagdusahan ng puso ng Diyos mula sa pagkagunaw na ito ng mundo sa pamamagitan ng baha ay isang realidad na walang makakaarok o makakapagpahalaga. Kaya gumawa na ang Diyos ng isang tipan sa tao, na magsasabi sa mga taong gunitain na minsan ay may ginawang ganito ang Diyos, at upang manumpa sa kanila na hindi na kailanman gugunawing muli ng Diyos ang mundo sa ganoong paraan. Sa tipang ito makikita natin ang puso ng Diyos-makikita natin na ang puso ng Diyos ay nakaramdam ng sakit noong nilipol Niya ang sangkatauhang ito. Sa wika ng tao, noong nilipol ng Diyos ang sangkatauhan at nakitang naglalaho ang sangkatauhan, ang Kanyang puso ay umiiyak at nagdurugo. Hindi ba hanggang diyan na lang natin kayang ilarawan ito? Ang mga salitang ito ang ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang mga damdamin ng tao, nguni't dahil ang wika ng tao ay masyadong kapos, ang gamitin ang mga ito upang ilarawan ang mga nararamdaman at damdamin ng Diyos ay hindi na gaanong masama para sa Akin, at ni hindi rin naman gaanong lumalabis ang mga ito. Kahit paano binigyan kayo ng napakatingkad, napakaangkop na pagkaunawa sa kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos noong panahong iyon. Ano na ang iisipin ninyo ngayon kapag may nakita kayo ulit na bahaghari? Kahit paano, maaalala ninyo kung paano nagdalamhati nang minsan ang Diyos dahil sa pagkakagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha. Maaalala ninyo kung paano, bagama't kinapootan ng Diyos ang mundong ito at kinamuhian ang sangkatauhang ito, noong nilipol Niya ang mga taong nilikha Niya ng sarili Niyang mga kamay, na ang puso Niya ay nasasaktan, nagpupumilit bumitaw, nag-aatubili, at nahihirapang magtiis. Ang tangi Niyang kinaaliwan ay ang pamilya ni Noe na walong katao. Ang pakikipagtulungan ni Noe ang nagbigay-halaga sa Kanyang mga napakaingat na pagsisikap sa paglikha ng lahat ng bagay. Sa panahong nagdurusa ang Diyos, ito lamang ang pampawi sa Kanyang nararamdaman na sakit. Mula noon, inilagay ng Diyos ang lahat ng Kanyang inaasahan sa sangkatauhan sa pamilya ni Noe, umaasang mabubuhay sila sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala at hindi sa Kanyang sumpa, umaasang hindi nila kailanman muling makikitang gunawin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, at umaasa ring hindi sila magugunaw.

Anong bahagi ng disposisyon ng Diyos ang dapat nating maunawaan mula rito? Kinasuklaman ng Diyos ang tao dahil ang tao ay may poot sa Kanya, nguni't sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay nanatiling hindi nagbabago. Kahit noong nilipol Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya'y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay napuno ng katiwalian at naging suwail sa Diyos hanggang sa isang nakapanghihinang punto, kinailangan ng Diyos na wasakin ang sangkatauhan, dahil sa Kanyang disposisyon at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga panuntunan, na lipulin ang sangkatauhang ito. Nguni't dahil sa diwa ng Diyos, kinaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnais pang gumamit ng iba't ibang mga paraan upang tubusin ang sangkatauhan upang makapagpatuloy silang mabuhay. Sa halip, nilabanan ng tao ang Diyos, nagpatuloy na sumuway sa Diyos, at tinanggihan na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, na ang ibig sabihin, tinanggihan na tanggapin ang Kanyang mabubuting layunin. Kahit paano man sila tinawag ng Diyos, pinaalalahanan, tinustusan, tinulungan, o pinagbigyan, hindi ito naunawaan o pinahalagahan ng tao, at ni hindi rin sila nagbigay-pansin. Sa kabila ng sakit Niyang nadama, hindi pa rin kinalimutan ng Diyos na ibigay sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, sa paghihintay na manumbalik ang tao. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling sabi, may nakatakdang panahon at proseso mula sa sandaling binalak ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa opisyal na simula ng Kanyang gawain na paglipol sa sangkatauhan. Umiral ang ganitong proseso sa layuning mapanumbalik ang tao, at ito ang huling pagkakataon na ibinigay ng Diyos sa tao. Kaya ano ang ginawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming pagpapaalala at masidhing paghihikayat ang ginawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan. Ano ang nakikita natin mula rito? Walang duda, nakikita natin na ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay totoo at hindi bukang-bibig lamang. Ito ay tunay, nadarama at may halaga, hindi huwad, may halo, mapandaya o mapagkunwari. Hindi kailanman gumagamit ang Diyos ng anumang pandaraya o lumilikha ng mga huwad na larawan para ipakita sa mga taong Siya ay kaibig-ibig. Hindi Siya kailanman gumagamit ng di-tunay na patotoo para maipakita sa mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, o ipangalandakan ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at kabanalan. Hindi ba karapat-dapat para sa pag-ibig ng tao ang mga aspetong ito ng disposisyon ng Diyos? Hindi ba karapat-dapat sambahin ang mga ito? Hindi ba karapat-dapat itangi ang mga ito? Sa puntong ito, nais Ko kayong tanungin: Matapos ninyong marinig ang mga salitang ito, sa palagay ba ninyo ang kadakilaan ng Diyos ay pawang mga salita lamang sa isang pilas ng papel? Ang pagiging kaibig-ibig ba ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang? Hindi! Tiyak na hindi! Ang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang kadakilaan, kabanalan, pagpaparaya, pag-ibig, at iba pa-ang lahat nitong iba't ibang aspeto ng disposisyon at diwa ng Diyos ay nagiging mabisa tuwing ginagawa Niya ang Kanyang gawain, nakapaloob sa Kanyang kalooban para sa tao, at natutupad at nasasalamin din sa bawat tao. Nadama mo man dati ito o hindi pa, inaalagaan ng Diyos ang bawat tao sa bawat posibleng paraan, gamit ang Kanyang tapat na puso, karunungan, at iba't ibang kaparaanan upang mapainit ang puso ng bawat tao, at magising ang espiritu ng bawat tao. Ito ay isang di-matututulang katunayan. Gaano man karaming tao ang nakaupo rito, ang bawat tao ay nagkaroon na ng iba't ibang mga karanasan at mga damdamin sa pagpaparaya, pagpapasensya, at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Ang mga karanasang ito sa Diyos at ang mga nadarama o mga pagkilalang ito sa Kanya-sa madaling salita, ang lahat ng positibong bagay na ito ay mula sa Diyos. Kaya sa pagsasama-sama ng mga karanasan at kaalaman ng lahat sa Diyos at sa pagsama sa mga ito sa mga binasa natin sa araw na ito na mga pahayag mula sa Biblia, may mas totoo at tamang kaunawaan na ba kayo ngayon sa Diyos?

............

May napansin ba kayong isang natatanging katunayan mula sa lahat ng bersikulo sa Biblia, kasama na ang lahat ng kuwento sa Biblia na tinalastas natin sa araw na ito? Ginamit ba kailanman ng Diyos ang Kanyang sariling wika upang ipahayag ang Kanyang sariling mga kaisipan o ipaliwanag ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga para sa sangkatauhan? May naitala ba tungkol sa Kanya na gumagamit Siya ng karaniwang wika upang sabihin kung gaano Siya nagmamalasakit o umiibig sa sangkatauhan? Hindi! Hindi ba tama iyan? Napakarami sa inyo ang nakabasa na ng Biblia o mga librong bukod pa sa Biblia. Mayroon bang sinuman sa inyo ang nakakita ng mga salitang ganoon? Ang sagot ay tiyak na wala! Ibig sabihin, sa mga tala ng Biblia, kasama na ang mga salita ng Diyos o ang pagsasa-dokumento ng Kanyang gawain, hindi kailanman sa anumang kapanahunan o anumang sakop na panahon ginamit ng Diyos ang Kanyang sariling mga pamamaraan upang ilarawan ang Kanyang mga damdamin o ipahayag ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga para sa sangkatauhan, ni hindi rin kailanman gumamit ang Diyos ng pananalita o anumang mga kilos upang ipahiwatig ang Kanyang mga nararamdaman at mga emosyon-hindi ba iyan ay isang katunayan? Bakit Ko sinasabi iyon? Bakit Ko kailangang banggitin ito? Dahil ito rin ay nagtataglay ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos at Kanyang disposisyon.

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; nagawa man silang tiwali o sumusunod sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga pinakaitinatangi Niyang minamahal-o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamahalaga sa Kanya-at hindi Kanyang mga laruan. Bagama't sinasabi ng Diyos na Siya ang Lumikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa antas, ang realidad ay lahat ng nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, patuloy rin at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip ng Diyos ang tungkol dito ni sinisikap na umako ng parangal. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit, nakatala man ito o hindi sa Biblia o sa anumang ibang mga aklat, hindi kailanman natin nakikitang ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, at hindi kailanman natin nakikitang inilalarawan o ipinahahayag ng Diyos sa mga tao kung bakit Niya ginagawa ang mga bagay na ito, o bakit masyado Niyang kinakalinga ang sangkatauhan, upang magpasalamat ang sangkatauhan sa Kanya o purihin Siya. Kahit Siya ay nasasaktan, kapag ang Kanyang puso ay may pinagdadaanang matinding sakit, hindi Niya kailanman kinalilimutan ang Kanyang pananagutan sa sangkatauhan o ang Kanyang malasakit para sa sangkatauhan, tinitiis Niya lamang ang lahat ng sakit at kirot nang tahimik at nag-iisa. Sa kabaligtaran, patuloy ang Diyos na naglalaan para sa sangkatauhan tulad ng lagi Niyang ginagawa. Kahit na ang sangkatauhan ay madalas na nagpupuri sa Diyos o nagpapatotoo para sa Kanya, walang kahit na ano sa mga asal na ito ang hinihingi ng Diyos. Ito ay dahil hindi kailanman hinahangad ng Diyos na ang anuman sa mabubuting bagay na ginagawa Niya para sa sangkatauhan ay maipagpalit sa pagkilala ng utang na loob o para ito ay mabayaran. Sa kabilang dako, ang mga may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang mga tunay na sumusunod sa Diyos, nakikinig sa Kanya at tapat sa Kanya, at ang mga sumusunod sa Kanya-ito ang mga tao na madalas na makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, at igagawad ng Diyos ang ganoong mga pagpapala nang walang pasubali. Higit pa rito, ang mga pagpapalang natatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay madalas na higit pa sa kanilang imahinasyon, at higit rin sa anumang maibabalik ng mga tao kapalit ng kanilang nagawa o sa halagang kanilang pinagbayaran. Kapag tinatamasa ng sangkatauhan ang mga pagpapala ng Diyos, mayroon bang nakaaalala sa kung ano ang ginagawa ng Diyos? Mayroon bang nagpapakita ng malasakit para sa nararamdaman ng Diyos? Mayroon bang sinumang sumusubok na bigyang-halaga ang nadaramang sakit ng Diyos? Ang tiyak na sagot sa mga tanong na ito ay: Hindi! Kaya ba ng sinumang tao, kabilang na si Noe, na pahalagahan ang sakit na nadarama ng Diyos sa sandaling iyon? May nakauunawa ba kung bakit gagawa ng ganoong tipan ang Diyos? Hindi nila kaya! Hindi pinahahalagahan ng sangkatauhan ang nadaramang sakit ng Diyos hindi dahil hindi nila maunawaan ang sakit ng damdamin ng Diyos, at hindi dahil sa agwat na namamagitan sa Diyos at tao o sa pagkakaiba ng kanilang katayuan; sa halip, ito ay dahil walang pakialam ang sangkatauhan sa anumang mga nararamdaman ng Diyos. Ipinapalagay ng sangkatauhan na hindi umaasa sa iba ang Diyos-hindi kailangan ng Diyos ang mga tao upang lumingap sa Kanya, upang unawain Siya o pakitaan Siya ng pagsasaalang-alang. Ang Diyos ay Diyos, kaya wala Siyang nadaramang sakit, walang mga damdamin; hindi Siya malulungkot, Hindi Siya nakadarama ng hinagpis, ni hindi Siya umiiyak. Ang Diyos ay Diyos, kaya hindi Niya kailangan ang anumang pagpapahayag ng damdamin at hindi Niya kailangan ang anumang kaginhawahan ng damdamin. Kung kailanganin man Niya ang mga ito sa ilang pangyayari, Kanyang lulutasin ito nang Siya Mismo at hindi mangangailangan ng anumang tulong mula sa sangkatauhan. Sa kabaligtaran, ang mga mahihina, isip-batang mga tao ang nangangailangan ng pampalubag-loob ng Diyos, paglalaan, pagpapalakas, at kahit ang pag-aaliw Niya sa kanilang mga damdamin, kailan man, saan man. Ang ganoong kaisipan ay nakatago sa kailaliman ng mga puso ng sangkatauhan: Ang tao ang mahina; kailangan nila ang Diyos upang alagaan sila sa lahat ng paraan, karapat-dapat sila sa lahat ng pag-aalagang natatanggap nila mula sa Diyos, at dapat nilang hilingin mula sa Diyos ang anumang palagay nila na dapat ay sa kanila. Ang Diyos ang malakas; nasa Kanya ang lahat, at dapat na Siya ang maging tagapag-alaga ng sangkatauhan at tagapagkaloob ng mga pagpapala. Dahil Siya ay Diyos na, makapangyarihan Siya sa lahat at hindi kailanman Siya nangangailangan ng anuman mula sa sangkatauhan.

Dahil hindi nagbibigay-pansin ang tao sa anumang mga pagbubunyag ng Diyos, hindi niya kailanman nadama ang pighati, sakit, o galak ng Diyos. Nguni't sa kabaligtaran, alam ng Diyos ang lahat ng pagpapahayag ng tao tulad ng palad ng Kanyang kamay. Tinutustusan ng Diyos ang mga pangangailangan ng lahat sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, pinagmamasdan ang nagbabagong mga kaisipan ng bawat tao at sa gayon ay inaaliw at masidhing hinihikayat sila, at ginagabayan at iniilawan sila. Sa ngalan ng lahat ng bagay na nagawa ng Diyos sa sangkatauhan at lahat ng halagang Kanyang binayaran dahil sa kanila, may makikita bang mga pahayag ang mga tao sa Biblia o mula sa anumang sinabi ng Diyos hanggang sa ngayon na malinaw na nagsasabing hihingi ang Diyos ng anuman mula sa tao? Wala! Sa kabaliktaran, kahit na paano balewalain ng mga tao ang kaisipan ng Diyos, paulit-ulit pa rin Niyang pinangungunahan ang sangkatauhan, paulit-ulit na tinutustusan ang sangkatauhan at tinutulungan sila, upang makasunod sila sa paraan ng Diyos para matanggap nila ang magandang hantungan na inihanda Niya para sa kanila. Pagdating sa Diyos, kung anong mayroon at kung ano Siya, ang biyaya Niya, ang awa Niya, at lahat ng pabuya Niya, ay ipagkakaloob nang walang pasubali sa mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya. Nguni't hindi Niya kailanman ipinahahayag sa sinumang tao ang sakit na pinagdusahan Niya o ang lagay ng isipan Niya, at hindi Siya kailanman nagrereklamo tungkol sa sinumang hindi nagsasaalang-alang sa Kanya o hindi nakaaalam ng Kanyang kalooban. Dinadala lamang Niya ang lahat ng ito nang tahimik, naghihintay sa araw na mauunawaan ng sangkatauhan.

Bakit Ko sinasabi rito ang mga bagay na ito? Ano ang nakikita ninyo mula sa mga bagay na nasabi Ko? Mayroong isang bagay sa diwa at disposisyon ng Diyos na pinakamadaling hindi mapansin, isang bagay na kung ano ang mayroon ang Diyos lamang at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging hindi makasarili ng Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa pagiging hindi makasarili, maaaring isipin mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili, dahil pagdating sa iyong mga anak, hindi ka kailanman nakikipagtawaran sa kanila at ikaw ay mapagbigay sa kanila, o iniisip mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili pagdating sa iyong mga magulang. Ano man ang iyong palagay, kahit paano ay may konsepto ka sa salitang "hindi makasarili" at iniisip ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi makasarili, sa palagay mo ay dakila ka. Nguni't walang nakakakita sa pagiging hindi makasarili ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay, sa gitna ng mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nakikita't nahahawakan, at sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Bakit ganoon ito? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit Ko sinasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, nguni't hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan kung paano ka tinutustusan ng Diyos, minamahal, at nagpapakita ng malasakit para sa iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng tao. Nguni't ang mga ganitong "hindi makasariling" mga tao ay hindi kailanman nagbibigay pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing sa Diyos, ang pagiging hindi makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging hindi makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay hungkag at hindi makatotohanan, may halo, hindi tugma sa Diyos, at hindi kaugnay sa Diyos. Ang pagiging hindi makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Tiyak na dahil sa pagiging hindi makasarili ng Diyos kaya nakakatanggap ang tao ng patuloy na daloy ng tustos mula sa Kanya. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay Ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, nguni't kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo nang hindi sinasadya: Sa lahat ng tao, mga usapin, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang pasubali at walang dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari ninyo pang sabihin na ito ay marumi, kasumpa-sumpa. Sang-ayon ba kayo?

Alam Kong lubhang hindi kayo bihasa sa mga paksang ito at nangangailangan ng kaunting panahon para matanto ang mga ito bago ninyo tunay na maunawaan. Habang mas hindi kayo bihasa sa mga usapin at mga paksang ito, mas napatutunayan na ang mga paksang ito ay wala sa inyong puso. Kung hindi Ko kailanman babanggitin ang mga paksang ito, may sinuman ba sa inyong makaaalam ng kaunti tungkol sa mga ito? Sa palagay Ko hindi ninyo kailanman malalaman ang mga ito. Tiyak iyan. Gaano man karami ang kayang maabot ng inyong isipan o maunawaan, sa madaling salita, ang mga paksang ito na tinatalakay Ko ang pinakakulang sa mga tao at dapat nilang malaman nang higit pa sa lahat. Ang mga paksang ito ay napakahalaga para sa lahat-ang mga ito ay itinatangi at ang mga ito ay buhay, at ito ang mga bagay na dapat ninyong mataglay para sa hinaharap na paglalakbay. Kapag wala ang mga salitang ito bilang gabay, kapag wala ang iyong pagkaunawa sa disposisyon at diwa ng Diyos, lagi ka lamang may dala-dalang katanungan pagdating sa Diyos. Paano kang makakapaniwala sa Diyos nang maayos kung hindi mo man lamang Siya nauunawaan? Wala kang alam tungkol sa damdamin ng Diyos, sa Kanyang kalooban, sa lagay ng Kanyang isip, sa kung ano ang Kanyang iniisip, kung ano ang nagpapalungkot sa Kanya, at kung ano ang nagpapasaya sa Kanya, kaya paano ka magiging mapagsaalang-alang sa puso ng Diyos?

Kapag ang Diyos ay nababalisa, hinaharap Niya ang isang sangkatauhan na hindi man lamang nagbibigay sa Kanya ng anumang pansin, isang sangkatauhan na sumusunod sa Kanya at nagsasabing mahal Siya nguni't lubusang hindi pinapansin ang Kanyang mga nararamdaman. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Sa gawaing pamamahala ng Diyos, tapat Siyang nagsasakatuparan ng Kanyang gawain at nangungusap sa bawat tao, at hinaharap sila nang walang pasubali o pagtatakip, nguni't sa kabaliktaran, ang bawat taong sumusunod sa Kanya ay sarado sa Kanya, at walang sinumang may gustong mas mapalapit sa Kanya, maunawaan ang Kanyang puso, o magbigay-pansin sa Kanyang mga nararamdaman. Kahit ang mga nagnanais na maging malapit sa Diyos ay ayaw mapalapit sa Kanya, maging mapagsaalang-alang sa Kanyang puso, o subukang maunawaan Siya. Kapag ang Diyos ay nagagalak at masaya, walang sinumang makababahagi sa Kanyang kasayahan. Kapag mali ang pagkakaunawa ng mga tao sa Diyos, walang sinumang makapagbibigay-aliw sa Kanyang sugatang puso. Kapag nasasaktan ang Kanyang puso, wala ni isang tao ang may gustong makinig sa Kanyang pagbubukas-loob sa kanila. Sa nagdaang ilang libong taon ng gawaing pamamahala ng Diyos, walang sinumang nakauunawa sa mga damdamin ng Diyos, ni walang sinumang nakaiintindi o nakapagpapahalaga sa mga ito, at mas lalong walang sinumang maaaring tumayo sa tabi ng Diyos upang makibahagi sa Kanyang mga kagalakan at mga kapighatian. Ang Diyos ay namamanglaw. Siya ay namamanglaw! Namamanglaw ang Diyos hindi lamang dahil lumalaban sa Kanya ang natiwaling sangkatauhan, kundi lalong dahil sa yaong mga nagsisikap na maging espiritwal, yaong mga nagnanais na makilala ang Diyos at maunawaan Siya, at kahit yaong mga gustong mag-alay ng kanilang buong buhay sa Kanya, ay hindi rin alam ang Kanyang mga iniisip at hindi nauunawaan ang Kanyang disposisyon at Kanyang mga damdamin.

Sa katapusan ng kuwento ni Noe, nakikita nating gumamit ang Diyos ng di-karaniwang paraan upang ipahayag ang Kanyang mga damdamin sa panahong iyon. Ang paraang ito ay lubhang natatangi, at iyan ay ang paggawa ng tipan sa tao. Ito ay paraang nagpapahayag ng katapusan sa paggamit ng Diyos sa baha upang gunawin ang mundo. Mula sa labas, ang paggawa ng isang tipan ay para bang napakapangkaraniwang bagay. Walang ginagawa dito kundi gumamit ng mga salita upang bigkisin ang magkabilang partido sa pag-iwas sa mga paglabag, nang makatulong na matupad ang layunin na pangalagaan ang mga kapakanan ng magkabilang panig. Sa anyo, ito ay isang napakapangkaraniwang bagay, nguni't sa nasa likod na mga dahilan at kahulugan ng paggawa nito ng Diyos, ito ay isang tunay na pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos at lagay ng isipan. Kung isasantabi mo lamang ang mga salitang ito at hindi papansinin, kung hindi Ko kailanman sabihin sa inyo ang katotohanan ng mga bagay-bagay, hindi talaga kailanman malalaman ng sangkatauhan ang pag-iisip ng Diyos. Marahil sa iyong imahinasyon ay nakangiti ang Diyos habang ginagawa Niya ang tipang ito, o marahil ay seryoso ang mukha Niya, nguni't ano man ang pinakakaraniwang uri ng pagpapahayag ng Diyos sa mga imahinasyon ng mga tao, walang nakakakita sa puso ng Diyos o sa Kanyang nadaramang sakit, at lalo pa sa Kanyang pamamanglaw. Walang makagagawang pagkatiwalaan sila ng Diyos o maging karapat-dapat sa tiwala ng Diyos, o maging isang taong mapagpapahayagan ng Kanyang mga iniisip o mapagbubuksan Niya ng nadarama Niyang sakit. Iyan ang dahilan kung bakit walang ibang maaaring gawin ang Diyos kundi ang gawin ang ganoong bagay. Sa pang-ibabaw, madaling bagay ang ginawa ng Diyos na pagpapaalam sa naunang sangkatauhan, pagsasaayos sa nakaraan at paghugot ng ganap na konklusyon sa paggunaw Niya sa mundo sa pamamagitan ng baha. Subali't ibinaon ng Diyos ang sakit mula sa sandaling ito sa kailaliman ng Kanyang puso. Sa panahong walang sinumang mapagbubuksang-loob ang Diyos, gumawa Siya ng tipan sa sangkatauhan, sinabi sa kanilang hindi na ulit Niya gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha. Kapag lumilitaw ang bahaghari, ito ay upang ipaalala sa mga tao na minsan ay naganap ang ganoong pangyayari, upang magbabala sa kanila na huwag gumawa ng masasamang bagay. Kahit na sa ganoong kasakit na kalagayan, hindi kinalimutan ng Diyos ang sangkatauhan at nagpakita pa rin ng napakalaking malasakit para sa kanila. Hindi ba ito ang pag-ibig at pagiging hindi makasarili ng Diyos? Nguni't ano ang iniisip ng mga tao kapag sila ay nagdurusa? Hindi ba't ito ang panahong pinakakailangan nila ang Diyos? Sa mga panahong tulad nito, laging kinakaladkad palapit ng mga tao ang Diyos upang mapaginhawa sila ng Diyos. Kailanman, hinding-hindi bibiguin ng Diyos ang mga tao, at lagi Niyang hahayaan ang mga tao na makaahon mula sa kanilang mga mabibigat na suliranin at mabuhay sa liwanag. Kahit ganoong tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan, sa puso ng tao, ang Diyos ay isa lamang pildoras na pampalakas-loob, isang gamot na nakapagpapaginhawa. Kapag ang Diyos ay nagdurusa, kapag sugatan ang Kanyang puso, ang pagkakaroon ng isang nilikha o sinumang taong sasamahan Siya o pagiginhawahin Siya ay walang-dudang isang marangyang pagnanais lamang para sa Diyos. Hindi kailanman pinapansin ng tao ang mga damdamin ng Diyos, kaya hindi kailanman humihingi ang Diyos ni umaasa na mayroong sinumang makaaaliw sa Kanya. Ginagamit lamang Niya ang Kanyang sariling mga pamamaraan upang ipahayag ang lagay ng Kanyang damdamin. Hindi iniisip ng mga tao na isang malaking bagay para sa Diyos ang dumaan sa kaunting pagdurusa, nguni't kapag talagang sinubukan mo lamang na maunawaan ang Diyos, kapag totoong napahahalagahan mo ang mga taimtim na hangarin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa, madarama mo ang kadakilaan ng Diyos at ang Kanyang pagiging hindi makasarili. Bagama't gumawa ang Diyos ng isang tipan sa sangkatauhan gamit ang bahaghari, hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kanino kung bakit Niya ginawa ito, bakit Niya itinatag ang tipan na ito, nangangahulugang hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kaninuman ang Kanyang totoong mga kaisipan. Ito ay dahil walang sinumang nakaiintindi sa lalim ng pag-ibig na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhang nilikha Niya sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga kamay, at wala ring sinumang makapagpapahalaga kung gaano talaga kasakit ang pinagdusahan ng Kanyang puso noong nilipol Niya ang sangkatauhan. Kaya kahit sabihin Niya sa mga tao kung ano ang nadarama Niya, hindi nila kayang isagawa ang pagkakatiwalang ito. Kahit nasasaktan Siya, nagpapatuloy pa rin Siya sa susunod na hakbang ng gawain Niya. Laging ibinibigay ng Diyos ang pinakamahusay na panig Niya at ang mga pinakamahusay na bagay sa sangkatauhan habang tahimik na dinadala Niya Mismo ang lahat ng pagdurusa. Hindi kailanman lantarang ipinahahayag ng Diyos ang mga pagdurusang ito. Sa halip, tinitiis Niya ang mga ito at tahimik na naghihintay. Ang pagtitiis ng Diyos ay hindi malamig, manhid, o walang-magawa, ni hindi ito tanda ng kahinaan. Ang pag-ibig at diwa ng Diyos ay palaging hindi makasarili. Ito ay isang likas na pagbubunyag ng Kanyang diwa at disposisyon, at isang totoong pagsasakatawan ng pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang tunay na Lumikha.

Sa pagsasabi Ko nito, maaaring may ilang tao ang magkamali sa pagpakahulugan sa ibig Kong sabihin. "Ang paglalarawan ba sa damdamin ng Diyos nang ganoon kadetalye, nang may malaking kagilalasan, ay sinasadya upang makadama ng pagdaramdam ang mga tao para sa Diyos?" May ganoon bang layunin? (Wala!) Ang tanging layunin Ko sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay upang mas makilala ninyo ang Diyos, upang maunawaan ang bawat bahagi Niya, maunawaan ang Kanyang mga damdamin, upang mapahalagahan na ang diwa at disposisyon ng Diyos ay, nang tunay at unti-unti, ipinahahayag sa pamamagitan ng Kanyang gawain, bilang kabaliktaran ng paglalarawan sa pamamagitan ng mga walang-saysay na mga salita ng tao, mga titik at mga doktrina nila, o mga imahinasyon nila. Ang ibig sabihin, ang Diyos at ang diwa ng Diyos ay talagang umiiral-hindi sila mga ipininta, hindi haka-haka, hindi binuo ng tao, at tiyak na hindi nila ito ginawa. Nakikita na ba ninyo ito ngayon? Kung talagang nakikita ninyo ito, nakamit nga ng mga salita Ko sa araw na ito ang kanilang layunin.

Hinango mula sa "Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao


Ang hindi maiiwan ng mga Kristiyano sa araw-araw ay ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang pahina ng Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw ay inirerekomenda sa iyo. Maraming mga salita ng Diyos sa pahinang ito. Mangyaring i-click at basahin: Salita ng Diyos ngayong araw

Lihim nang dumating ang Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos, magpapakita ang Diyos nang hayagan at gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Nais mo bang salubungin ang Panginoon at maligtas ng Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad? Huwag mag-atubiling kontakin kami ngayon para malaman ang paraan.
¡Crea tu página web gratis! Esta página web fue creada con Webnode. Crea tu propia web gratis hoy mismo! Comenzar