Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos? | Sipi 409
Araw-araw na mga Salita ng Diyos | "Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?" | Sipi 409
Sa paniniwala sa Diyos, kahit paano ay kailangan mong lutasin ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, nawawalan ng kabuluhan ang iyong paniniwala sa Diyos. Ang pagtatatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos ay lubos na nakakamtan sa pagkakaroon ng pusong tahimik sa presensya ng Diyos. Ang pagkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ay nangangahulugan ng kakayahang hindi pagdudahan o tanggihan ang anuman sa Kanyang gawain at magpasakop sa Kanyang gawain. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga tamang layunin sa presensya ng Diyos, hindi paggawa ng mga plano para sa sarili mo, at pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito ng pagtanggap sa pagsusuri at pagsunod sa mga plano ng Diyos. Kailangan mong magawang patahimikin ang iyong puso sa presensya ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. Kahit hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo pa ring tuparin ang iyong mga tungkulin at responsibilidad sa abot ng iyong makakaya. Kapag nabunyag na sa iyo ang kalooban ng Diyos, kumilos ayon dito, at hindi na magiging huli ang lahat. Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Lahat ay itinatatag sa pundasyon ng mga salita ng Diyos. Kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, pagkatapos ay isagawa ang mga kinakailangan ng Diyos, itama ang iyong mga pananaw, at iwasang gumawa ng anuman upang kalabanin ang Diyos o gambalain ang iglesia. Huwag gumawa ng anumang hindi mapapakinabangan sa buhay ng iyong mga kapatid, huwag magsalita ng anumang hindi nakakatulong sa iba, at huwag gumawa ng anumang kahiya-hiya. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama't maaaring mahina ang laman kung minsan, kailangan mong magawang unahin ang mga interes ng pamilya ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, at kailangan mong makakilos nang matuwid. Kung makapagsasagawa ka sa ganitong paraan, magiging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos.
Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, talikuran mo ang mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali. Ang maliliit na bagay ay maaaring ibunyag ang mga layunin at tayog ng isang tao, kaya nga, para makapasok ang isang tao sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, kailangan muna nilang ituwid ang kanilang mga layunin at ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Kapag ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, saka ka lamang Niya magagawang perpekto; saka lamang makakamtan ng pakikitungo, pagpupungos, pagdidisiplina, at pagpipino ng Diyos ang epektong nilayon ng mga ito sa iyo. Ibig sabihin, kung nagagawa ng mga tao na laging isapuso ang Diyos at hindi maghangad ng personal na pakinabang o isipin ang sarili nilang mga personal na inaasam (sa makamundong kahulugan), kundi sa halip ay dinadala nila ang pasanin ng pagpasok sa buhay, ginagawa nila ang lahat upang patuloy na hangarin ang katotohanan, at nagpapasakop sila sa gawain ng Diyos-kung magagawa mo ito, ang mga layunin na patuloy mong pinagsisikapan ay magiging tama, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal. Ang pagtatama sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos ay maaaring tawaging unang hakbang sa pagpasok sa espirituwal na paglalakbay. Bagama't ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos at itinatakda ng Diyos, at hindi mababago ng tao, maaari ka mang gawing perpekto ng Diyos o maangkin Niya ay nakasalalay sa kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Maaaring may mga bahagi kang mahina at masuwayin-ngunit basta't tama ang iyong mga pananaw at iyong mga layunin, at basta't tama at normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, karapat-dapat kang gawing perpekto ng Diyos. Kung hindi tama ang kaugnayan mo sa Diyos, at kumikilos ka para sa kapakanan ng laman o ng iyong pamilya, gaano ka man magsikap sa trabaho, mawawalan iyon ng saysay. Kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, lahat ng iba pa ay malalagay sa lugar. Wala nang ibang tinitingnan ang Diyos, kundi kung tama ang iyong mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos: sino ang iyong pinaniniwalaan, para kaninong kapakanan ka naniniwala, at bakit ka naniniwala. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang mga bagay na ito at isinasagawa mo nang nasa tama ang iyong mga pananaw, susulong ka sa buhay mo, at garantisado ka ring makakapasok sa tamang landas. Kung hindi normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, at lihis ang mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos, walang-saysay ang lahat ng iba pa, at gaano katatag ka man naniniwala, wala kang mapapala. Matapos maging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, saka ka lamang magtatamo ng papuri mula sa Kanya kapag ikaw ay tumatalikod sa laman, nagdarasal, nagdurusa, nagtitiis, nagpapasakop, tumutulong sa iyong mga kapatid, gumugugol ng sarili mo nang higit pa para sa Diyos, at iba pa. May halaga at kabuluhan man ang ginagawa mo ay nakasalalay sa kung ang iyong mga layunin ay tama at kung ang iyong mga pananaw ay tama. Sa panahong ito, maraming taong naniniwala sa Diyos na para bang ikinikiling nila ang kanilang ulo para tumingin sa isang relo-ang kanilang mga pananaw ay baliko, at kailangang itama ang mga ito sa isang pambihirang tagumpay. Kung malutas ang problemang ito, magiging maayos ang lahat; kung hindi, lahat ay mawawalan ng saysay. Maayos ang kilos ng ilang tao sa Aking presensya, ngunit pagtalikod Ko, wala silang ibang ginagawa kundi labanan Ako. Ito ay isang pagpapamalas ng kabuktutan at panlilinlang, at ang ganitong uri ng tao ay isang lingkod ni Satanas; sila ang tipikal na sagisag ni Satanas, na dumating upang subukin ang Diyos. Ikaw ang angkop na tao kung nagagawa mo lamang na magpasakop sa Aking gawain at sa Aking mga salita. Basta't nagagawa mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos; basta't lahat ng ginagawa mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos at kumikilos ka nang makatarungan at marangal sa lahat ng iyong ginagawa; basta't hindi ka gumagawa ng kahiya-hiyang mga bagay, o ng mga bagay na makapipinsala sa buhay ng iba; at basta't nabubuhay ka sa liwanag at hindi mo tinutulutang pagsamantalahan ka ni Satanas, nasa wastong kaayusan ang iyong kaugnayan sa Diyos.
Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw - patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos upang makinig at pagnilayan ang mga salita ng Diyos araw-araw. Ang iyong espiritu ay makakakain at matutustusan, at ang iyong buhay ay patuloy na lalago.
Rekomendasyon:
• Paano Mapalapit sa Diyos: 3 Mga Paraan ng Pagsasagawa