Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos | Sipi 468
Paano dapat makipagtulungan ang mga tao sa Diyos sa yugtong ito ng Kanyang gawain? Kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao. Hindi Siya bumibigkas ni isang salita, kundi ikinukubli Niya ang Kanyang Sarili at hindi Siya tuwirang nakikipag-ugnayan sa mga tao. Sa tingin, mukhang wala Siyang ginagawa, ngunit ang totoo ay gumagawa pa rin Siya sa kalooban ng tao. Sinumang naghahangad na makapasok sa buhay ay mayroong isang pananaw para sa kanilang paghahangad sa buhay, at wala silang mga pag-aalinlangan kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang gawain ng Diyos. Sa gitna ng mga pagsubok, kahit kapag hindi mo alam kung ano ang nais gawin ng Diyos at kung anong gawain ang nais Niyang isakatuparan, dapat mong malaman na ang mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan ay palaging mabuti. Kung hahanapin mo Siya nang may isang tapat na puso, hindi ka Niya iiwan kailanman, at sa huli ay tiyak na gagawin ka Niyang perpekto, at dadalhin Niya ang mga tao sa isang angkop na hantungan. Paano man kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao, darating ang araw na maglalaan Siya sa mga tao ng isang angkop na kahihinatnan at bibigyan sila ng angkop na ganti batay sa kanilang nagawa. Hindi aakayin ng Diyos ang mga tao sa isang partikular na punto at pagkatapos ay iwawaksi lang sila at babalewalain. Ito ay dahil ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. Sa yugtong ito, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain ng pagpipino. Pinipino Niya ang bawat tao. Sa mga hakbang ng gawain na itinatag ng pagsubok na kamatayan at ng pagsubok na pagkastigo, ang pagpipino ay isinagawa sa pamamagitan ng mga salita. Para maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kailangan muna nilang maunawaan ang Kanyang kasalukuyang gawain at kung paano dapat makipagtulungan ang sangkatauhan. Tunay ngang ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng lahat. Anuman ang gawin ng Diyos, pagpipino man iyon o kahit hindi Siya nagsasalita, wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos ang nakaayon sa mga pagkaintindi ng sangkatauhan. Bawat hakbang ng Kanyang gawain ay sumisira at tumatagos sa mga pagkaintindi ng mga tao. Ito ay Kanyang gawain. Ngunit kailangan mong maniwala na, dahil nakaabot na ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na yugto, hindi Niya papatayin ang buong sangkatauhan anuman ang mangyari. Nagbibigay Siya kapwa ng mga pangako at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat niyaong sumusunod sa Kanya ay makakamtan ang Kanyang mga pagpapala, ngunit yaong mga hindi ay iwawaksi ng Diyos. Nakasalalay ito sa iyong paghahangad. Ano't anuman ang mangyari, kailangan mong maniwala na kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, bawat tao ay magkakaroon ng isang angkop na hantungan. Ang Diyos ay naglaan sa sangkatauhan ng magagandang pangarap, ngunit kung walang paghahangad ay hindi makakamit ang mga ito. Dapat mo nang magawang makita ito ngayon-ang pagpipino at pagkastigo ng Diyos sa mga tao ay Kanyang gawain, ngunit para sa mga tao, kailangan nilang hangaring baguhin ang kanilang disposisyon sa lahat ng oras. Sa iyong praktikal na karanasan, kailangan mo munang malaman kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos; kailangan mong hanapin sa Kanyang mga salita kung ano ang dapat mong pasukin at ang sarili mong mga pagkukulang, dapat mong hangaring makapasok sa iyong praktikal na karanasan, at kunin ang bahagi ng mga salita ng Diyos na dapat isagawa at subukang gawin iyon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay isang aspeto. Bukod pa rito, ang buhay ng iglesia ay kailangan ding panatilihin, kailangan mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay, at kailangan mong magawang iabot sa Diyos ang lahat ng iyong kasalukuyang kalagayan. Paano man magbago ang Kanyang gawain, dapat manatiling normal ang iyong espirituwal na buhay. Mapapanatili ng isang espirituwal na buhay ang iyong normal na pagpasok. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat ay ipagpatuloy mo ang iyong espirituwal na buhay nang walang gambala at gampanan mo ang iyong tungkulin. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ito ay gawaing lahat ng Banal na Espiritu, ngunit samantalang para sa mga may normal na kalagayan ito ay pagpeperpekto, para sa mga may abnormal na kalagayan ito ay isang pagsubok. Sa kasalukuyang yugto ng gawaing pagpipino ng Banal na Espiritu, sinasabi ng ilang tao na napakadakila ng gawain ng Diyos at na talagang kailangan ng mga tao ng pagpipino, kung hindi ay magiging napakababa ng kanilang tayog at wala silang magiging paraan para masunod ang kalooban ng Diyos. Gayunman, para sa mga yaon na hindi maganda ang kalagayan, nagiging dahilan ito upang hindi sundan ang Diyos, at dahilan upang huwag dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng salita ng Diyos. Sa gawain ng Diyos, anuman ang gawin Niya o anumang mga pagbabago ang gawin Niya, kailangang panatilihin ng mga tao ang isang normal na espirituwal na buhay. Marahil ay hindi ka naging maluwag sa kasalukuyang yugtong ito ng iyong espirituwal na buhay, ngunit wala ka pa ring gaanong natamo, at wala kang gaanong napala. Sa ganitong klaseng mga sitwasyon, kailangan mo pa ring sundin ang mga patakaran; kailangan mong sundin ang mga patakarang ito upang hindi ka mawalan sa iyong buhay at mapalugod mo ang kalooban ng Diyos. Kung abnormal ang iyong espirituwal na buhay, hindi mo mauunawaan ang kasalukuyang gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi mong madarama na ito ay lubos na hindi kaayon ng iyong sariling mga pagkaintindi, at bagama't handa kang sundin Siya, wala kang sigla ng kalooban. Kaya, anuman ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos, kailangang makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, hindi magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at kung wala sa puso ng mga tao ang makipagtulungan, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais mong taglayin ang gawain ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban, at kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mong panatilihin ang iyong orihinal na katapatan sa harap ng Diyos. Ngayon, hindi mo kailangang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa, mas mataas na teorya, o iba pang gayong mga bagay-ang kailangan lamang ay pagtibayin mo ang salita ng Diyos sa orihinal na pundasyon. Kung hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Diyos at hindi naghahangad ng mas malalim na pagpasok, kukunin ng Diyos ang lahat ng bagay na dating kanila. Sa kanilang kalooban, palaging sakim ang mga tao sa kariwasaan at mas gustong tamasahin kung ano ang nariyan na. Nais nilang makamit ang mga pangako ng Diyos nang walang anumang kapalit. Ito ang maluluhong ideyang isinasaloob ng sangkatauhan. Ang pagkakamit ng buhay mismo nang walang anumang kapalit-ngunit mayroon bang anumang bagay na naging ganito kadali? Kapag ang isang tao ay naniniwala sa Diyos at naghahangad na pumasok sa buhay at naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, kailangan nilang magbayad ng halaga at matamo ang isang kalagayan kung saan palagi nilang susundin ang Diyos, anuman ang Kanyang gawin. Ito ay isang bagay na kailangang gawin ng mga tao. Kahit sundin mo ang lahat ng ito bilang isang patakaran, kailangan mong laging panindigan ito, at gaano man katindi ang mga pagsubok, hindi mo maaaring bitiwan ang iyong normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat mong magawang manalangin, mapanatili ang iyong buhay-iglesia, at hindi iwanan kailanman ang iyong mga kapatid. Kapag sinubok ka ng Diyos, dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakamaliit na kinakailangan para sa isang espirituwal na buhay. Ang palaging naising maghangad, at sikaping makipagtulungan, gamitin ang lahat ng iyong lakas-magagawa ba ito? Kung gagawin itong pundasyon ng mga tao, magkakaroon sila ng paghiwatig at pagpasok sa realidad. Madaling tanggapin ang salita ng Diyos kapag ang iyong sariling kalagayan ay normal; sa ganitong mga sitwasyon parang hindi mahirap isagawa ang katotohanan, at nadarama mo na dakila ang gawain ng Diyos. Ngunit kung hindi maganda ang iyong kalagayan, gaano man kadakila ang gawain ng Diyos at gaano man kagandang magsalita ang isang tao, hindi mo papansinin. Kapag ang kalagayan ng isang tao ay abnormal, hindi makakagawa sa kanila ang Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon.
Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
I-click at basahin ang artikulong ito, at pagkatapos ay mauunawaan ano ang pananampalataya at mahanap ang landas upang magkaroon ng tunay na pananampalataya at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.
Rekomendasyon: