Nakikita ng Diyos ang Tapat na Pagsisisi sa Kaibuturan ng mga Puso ng mga Taga-Ninive
Ang Payak na Pagkakaiba ng Reaksyon ng Ninive at Sodoma sa Babala ng Diyos na si Jehova
Ano ang ibig sabihin ng mapabagsak? Sa pangkaraniwang termino, ang ibig sabihin nito ay paglaho. Ngunit sa anong paraan? Sino ang makakapagpabagsak sa isang buong lungsod? Siyempre, imposibleng magawa ng isang tao ang gayong gawain. Hindi mga hangal ang mga taong ito; sa sandaling narinig nila ang pahayag na ito, nakuha na nila ang ideya. Alam nila na mula ito sa Diyos; alam nila na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain; alam nila na ang kanilang kasamaan ang nagpasiklab sa poot ng Diyos na si Jehova at nagdala ng Kanyang galit sa kanila, kaya sila ay malapit nang puksain kasama ng kanilang lungsod. Paano kumilos ang mga mamamayan ng lungsod matapos nilang marinig ang babala ng Diyos na si Jehova? Inilarawan ng Biblia ang malinaw na detalye kung paano tumugon ang mga tao, mula sa kanilang hari hanggang sa pangkaraniwang tao. Batay sa tala ng Kasulatan: "At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Diyos; at sila'y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya'y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Diyos: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. ..."
Matapos marinig ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang mga mamamayan ng Ninive ay nagpakita ng pag-uugali na lubos na kabaliktaran ng mga tao sa Sodoma-ang mga mamamayan ng Sodoma ay hayagang kinalaban ang Diyos, nagpapatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, ngunit matapos marinig ang mga salitang ito, hindi binalewala ng mga taga-Ninive ang bagay na ito, ni tinanggihan man; sa halip, naniwala sila sa Diyos at nagpahayag ng pag-aayuno. Ano ang tinutukoy ng "naniwala" dito? Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pananampalataya at pagpapasakop. Kung gagamitin natin ang mismong ginawa ng mga taga-Ninive upang ipaliwanag ang salitang ito, nangangahulugan ito na naniwala sila na gagawin at kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sinabi, at nakahanda silang magsisi. Ang mga taga-Ninive ba ay nakadama ng takot sa harap ng nalalapit na panganib? Ang kanilang paniniwala ang nagdulot ng takot sa kanilang mga puso. Pero ano ang magagamit natin upang patunayan ang paniniwala at takot ng mga taga-Ninive? Tulad ng sinasabi sa Biblia: "at sila'y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila." Ito ang magsasabi na ang mga taga-Ninive ay tunay na naniwala, at nagdulot ng takot ang paniniwalang ito, na humantong sa pag-aayuno at pagsusuot ng sako. Ganito nila ipinakita ang simula ng kanilang pagsisisi. Sa lubos na kabaliktaran sa mga taga-Sodoma, hindi lamang sa hindi nilabanan ng mga taga-Ninive ang Diyos, malinaw din nilang ipinakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at mga pagkilos. At siyempre, hindi lamang ito para sa mga karaniwang mamamayan ng Ninive; maging ang kanilang hari ay hindi natatangi.
Ang Pagsisisi ng Hari ng Ninive ang Pumukaw sa Papuri ng Diyos na si Jehova
Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagdamit ng sako at umupo sa abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na wala kahit isa ang papayagang tumikim ng anuman, at walang mga hayop, mga tupa at baka ang kakain o iinom ng tubig. Pareho na ang tao at ang hayop ay magdadamit ng sako; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na bawat isa sa kanila ay tatalikod na sa kanilang masasamang gawain at tatalikdan ang karahasan ng kanilang mga kamay. Sa paghatol sa sunod-sunod na mga gawaing ito, ipinakita ng hari ng Ninive ang kanyang taos-pusong pagsisisi. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa-pagtayo mula sa kanyang trono, paghubad sa kanyang balabal ng pagiging hari, pagdamit ng sako at pag-upo sa abo-ang nagpahayag sa mga tao na isinantabi ng hari ng Ninive ang kanyang katayuan bilang hari at nagdamit ng sako kasama ang mga pangkaraniwang mamamayan. Masasabi natin na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang balita mula sa Diyos na si Jehova; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehova. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nilalang ng Diyos. Bukod pa dito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova tulad ng ginawa niya; dagdag pa dito, may tiyak siyang plano kung paano isasagawa ito, tulad ng makikita sa Kasulatan: "Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: ... at magsidaing silang mainam sa Diyos: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay." Bilang tagapamahala ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na katayuan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang pahayag ng Diyos na si Jehova, maaari naman niyang balewalain na lang ito o nangumpisal na lamang at nagsisi sa kanyang mga kasalanan nang nag-iisa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod ang magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang nang lubusan ang bagay na ito. Ngunit hindi kailanman ito ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng sako at naupo sa abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova, inutusan din niya ang lahat ng tao at mga hayop sa buong lungsod na gayon din ang gawin. Inutusan pa niya ang mga tao na "magsidaing nang mainam sa Diyos." Sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive kung paano maging tagapamahala; ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin ng sinumang hari sa kasaysayan ng tao, at isang bagay din na walang nakagawa. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa noon sa kasaysayan ng sangkatauhan; sila ay karapat-dapat na parehong alalahanin at tularan ng sangkatauhan. Simula sa pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan na tanggihan at labanan ang Diyos. Wala kahit isa ang pinangunahan ang kanyang mga nasasakupan na magsumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehova at maiwasan ang nalalapit na kaparusahan. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang makasalanang mga gawa at layuan na ang karahasan sa kanilang mga kamay. Bukod pa dito, nagawa rin niyang iwanan ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nag-iba ang damdamin ng Diyos na si Jehova at binawi ang Kanyang poot, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang mga ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao; at maaari din silang matawag na isang modelo ng tiwaling sangkatauhan na mangumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.
Nakikita ng Diyos ang Tapat na Pagsisisi sa Kaibuturan ng mga Puso ng mga Taga-Ninive
Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang nagawa? Sa mata ng Diyos, matapat ang kanilang pagsisisi, hindi lamang dahil buong sikap silang nagsumamo sa Diyos at nangumpisal sa kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang masamang pag-uugali. Ginawa nila ang ganito dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng sako at pag-upo sa abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang pagpayag na baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, upang manalangin sa Diyos na si Jehova na pigilin ang Kanyang galit, upang magsumamo sa Diyos na si Jehova na bawiin ang Kanyang pasya, gayundin ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Sa pamamagitan ng pagsiyasat sa lahat ng kanilang pag-uugali, makikita natin na naunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehova at naunawan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Dahil sa mga katwirangf ito, ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali ni hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing kinamumuhian ng Diyos na si Jehova. Dagdag pa dito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehova na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang parusahan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na kailanman muling mamumuhay sa kasamaan at gagawa na sila ayon sa mga ipinag-uutos ng Diyos na si Jehova, hindi na nila kailanman muling pasisiklabin ang galit ng Diyos na si Jehova. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.
Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa kataas-taasang hari hanggang sa kanyang mga nasasakupan, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanilang mga gagawin, ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili ay malinaw at lantad sa paningin ng Diyos. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang nasa isip ng Diyos ng mga sandaling iyon? Kayang sagutin ng Biblia ang tanong na iyan para sa iyo. Ayon sa nakatala sa Kasulatan: "At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila'y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Diyos sa kasamaan, na Kaniyang sinabing Kaniyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa." Bagaman binago ng Diyos ang Kanyang isip, walang bagay na magulo tungkol sa kalagayan ng Kanyang kaisipan. Binago lamang Niya ang kalagayan mula sa paghahayag ng Kanyang galit tungo sa pagpapakalma ng Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malupit na kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito ng Diyos-na iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malupit na kapahamakan-nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya ang kanilang itinatago mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na pakiramdam kung paano na ang kanilang masasamang gawa ay lubos na nagpagalit sa Kanyang disposisyon, at nagdulot ng takot sa nalalapit na kaparusahan ng Diyos na si Jehova. At gayundin naman, narinig din ng Diyos na si Jehova ang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na taimtim na nakiusap na pigilin Niya ang Kanyang galit laban sa kanila upang makaiwas sila sa parating na kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit sa nakaraan, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya't hindi Niya makayang dalhin ang kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang ipinadama ang Kanyang awa at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.
Hinango mula sa "Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ano ang pagsisisi? Ang pagdarasal ba sa Panginoon at pagkukumpisal ay ang totoong pagsisisi? Paano tayo tunay na magsisi upang maaprubahan ng Diyos? Basahin ang artikulong ito upang mahanap ang paraan.
Please read:
• Ano ang Pagsisisi? Paano Makamit ang Tunay na Pagsisisi sa Gitna ng mga Sakuna
• Ang Panalangin ng Pagsisisi sa Kumpisal Ba ay Tunay na Pagsisisi?